(NI BERNARD TAGUINOD)
PORMAL nang naghain ng petisyon ang isang kongresista sa Korte Suprema upang pigilan ang pagbabawal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga provincial buses sa kabaan ng Edsa.
Sa ihinaing “petition for certiorari, prohibition and mandamus with application for Writ of Preliminary,” sa Korte Suprema, nais din ni House minority bloc member Rep. Alfredo Garin Jr., ng Ako Bikol, na maglabas ang korte ng Temporary Restraining Order (TRO) sa plano ng MMDA na ipagbawal ang mga provincial buses sa nasabing lansangan.
Ayon sa mambabatas, hindi nagsagawa ng public consultation and MMDA sa kanilang planong alisin ang mga provincial buses sa Edsa kaya nalabag umano ang due process ng mga pasahero mula sa mga probinsya.
Tinawag din ni Garin bilang “ill-advised” at walang katotohanan ang pahayag aniya ng MMDA na ang pagbabawal sa mga provincial buses na dumaan sa Edsa ay magpapagaan sa daloy ng trapiko.
Base sa record aniya mismo ng MMDA noong 2017, umaabot lamang sa 3,300 ang bilang ng mga registered number ng mga provincial buses na dumaraan sa Edsa na malayung-malayo sa 12,000 city buses na bumibiyahe mula madaling araw hanggang hatinggabi.
“This not to include the more than 200,000 private vehicles using the same highway everyday,” ayon sa mambabatas kaya walang basehan umano ang nakakasikip ng daloy ng trapiko sa Edsa ang mga provincial buses.
Walang ibang matatamaan, aniya, sa mga polisyang ito kundi ang mga pasahero mula at patungong probinsya dahil bukod sa pahihirapan lang ang mga ito ng MMDA ay lumalaki pa ang kanilang pasahe.
Dahil dito, nais ng mambabatas na papigilan sa Korte Suprema ang paglilipat sa mga bus terminal ng mga provincial buses mula sa Norte sa Valenzuela City habang sa Alabang naman ang mga bus na galing sa Southern Luzon at Visayas region.
316