KAAPELYIDO NG SENADOR, KONGRESISTA PASOK DIN SA CONFI FUNDS NG OVP

LALONG nakumbinsi ang Mababang Kapulungan na nilustay lamang ang mahigit kalahating bilyong pisong confidential funds ni Vice President Sara Duterte-Carpio dahil maging ang kaapelyido ng mga senador ay nabigyan ng tinaguriang ‘spy’ funds.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V, habang naghahanda ang prosecution team sa impeachment trial ni VP Duterte, lalong humahaba ang listahan ng mga kahina-hinalang pangalan na inilista ng tanggapan ng pangalawang pangulo na nakatanggap umano ng confidential funds.

“These irregularities are too glaring to ignore—these names from supposed Budol Gang call for a deeper look,” punto ni Ortega matapos lumitaw ang pangalan tulad ng ‘Beth Revilla’ at ‘Janice Marie Revilla’, na kaapelyedo ni outgoing senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.

May dalawang kaapelyido rin si Sen. Lito Lapid na sina ‘Diane Maple Lapid’ at ‘John A. Lapid Jr.’ bukod pa kay Sen. Risa Hontiveros-Baraquel na si ‘Clarisse Hontiveros’ at gayundin sina senador Jinggoy Estrada na kaapelyido ni ‘Kristine Applegate Estrada’ at ‘Denise Tanya Escudero’ na gamit ang apelyido ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero.

Nakalista ding tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) ang kaapelyedo ni Sarangani representative Steve Chiongbian Solon na sina ‘Kris Solon’ at ‘Paul M. Solon’ at isang ‘Cannor Adrian Contis’ na pangalanan naman ng café-restaurant tulad ng ‘Mary Grace Piattos’.

“Hindi lang pala si Mary Grace Piattos ang may kapangalan na café-restaurant, pati pala Contis. Kapag ba may confidential funds ang opisina mo, may sweet tooth ka din?. Tapos may ‘Solon’ pa na ka-apelyido ng ating kasamahan na si congressman Steve Solon,” natatawang pahayag ni Ortega.

“Hanggang Senado po, hindi na pinalampas nitong ‘Budol Gang’. Pambihira dinadamay pati mga apelyido ng ating esteemed senators. Ganyan po kagarapal ang listahan ng supposed beneficiaries ng OVP confidential funds,” dagdag pa ng mambabatas.

Dahil dito, sinabi ni Ortega na ang “dalas at pagiging malikhain ng mga pangalan ay tila hindi na aksidente kundi maaaring indikasyon ng sistematikong pagtatangkang itago ang tunay na galaw ng confidential funds.”

Ang paglustay umano sa confidential funds ni VP Duterte ay ikalawa sa 7 article of impeachment na nakatanda nang talakayin sa Hunyo 2, 2025 sa Impeachment court kaya dapat umanong patunayan ng kampo ng bise presidente na totoong tao ang mga nakatanggap ng kanyang confidential funds.

“Kung paulit-ulit na gumamit ang OVP ng fictitious names, meron silang obligasyong patunayan na may tunay na tao sa likod ng bawat pangalan. At kung wala, mismong listahan ang magiging ebidensya ng katiwalian sa Senado,” ayon pa sa kongresista.

Ang mga bagong pangalan na ito ay karagdagan sa mga inimbento umano ng OVP tulad ng tinatawag na Team Grocery Beverly Claire Pompano, Mico Harina, Ralph Josh Bacon, Patty Ting, at Sala Casim; Team Amoy Asim na na kinabibilangan nina Amoy Liu, Fernan Amuy, at Joug De Asim; Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas, Joel Linangan , Fiona Ranitez, Erwin Q. Ewan, Ellen Magellan, Gary Tanada, Xiaomi Ocho at marami pang iba na walang pangalan sa Philippine Statistic Authority (PSA).

“Kapag sunud-sunod ang kahina-hinalang pangalan—mula chichirya hanggang senador—hindi na ito kalokohan lang, mukhang may nagplano talaga para itago kung saan napunta ang pera ng taumbayan,” ayon pa kay Ortega.

(BERNARD TAGUINOD)

77

Related posts

Leave a Comment