(NI BETH JULIAN)
HANDA ang Malacanang na pakinggan ang rekomendasyon ng Department of Energy (DoE) na habaan ang election holiday.
Layon nito na matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa araw ng halalan at maging sa araw ng bilangan ng boto.
Ito, ayon sa DoE, ay posibleng maliban sa May 13 at maaaring gawin na rin na holiday ang May 14 para matiyak na walang magaganap na brownout sa araw ng bilangan ng mga boto.
Sinabi naman ni Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo na bukas ang Palasyo sa anumang ideya na makatitiyak sa katiwa-tiwalang eleksiyon nitong 2019.
Ngunit, sa ngayon, ayon kay Panelo, ay hindi pa nila natatanggap ang anumang pormal na rekomendasyon mula sa DoE.
Sinabi ni Panelo na kapag naisumite na ang rekomendasyon sa Malacanang ay agad nila itong pag-aaralan upang makatugon nang wasto ang Palasyo sa lalong madaling panahon.
Nangangamba ang ilang mambabatas sa posibilidad ng brownout lalo na sa araw ng bilangan ng mga boto dahil maaapektuhan nito ang kredibilidad ng resulta ng halalan.
193