ARESTADO ang isang Filipino-American sa Amerika matapos mabisto ang plano umanong pag-atake sa Los Angeles, California.
Nasa kostudiya na ngayon ng FBI-Joint Terrorism Task Force ang suspect na si Mark Steven Domingo, 26, ng Reseda, California.
Si Domingo ay dati umanong miyembro ng U.S. Army at na-deploy noon sa giyera sa Afghanistan.
Ayon sa LA Department of Justice, sinabi umano ni Domingo na balak niyang pasabugin sa pamamagitan ng improvised explosive device, ang isang rally ng white nationalist group sa Long beach, California.
Plano rin umano ng suspek na atakihin ang ilan pang lugar sa California.
Nakasaad din sa affidavit ni Domingo na bumili siya ng mga mahabang pako na ilalagay niya sa gagawing IED upang makalikha ng mas matinding pinsala sa mga tao.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ni U.S. Attorney Nick Hanna na naging matagumpay ang pagkakadakip kay Domingo dahil ayon dito ay plano niyang makalikha ng matitinding kaguluhan.
Si Domingo ay naaresto matapos umanong makakuha ng ilang impormasyon sa isang private chat group kung saan nasabi nito ang pagsuporta niya sa Islamic militants gayundin ang paghihiganti sa mga ginagawang pag-atake sa mga Muslim.
102