CAMANAVA PRESS CORPS MEMBERS TINAWAG NA BOGUS NG MGA STAFF NI JV

EARLY WARNING

HINDI nakatutuwa at nakapanggigigil itong mga staff at kasama na rin si reelectionist Sen. JV Ejercito. Bakit kamo?

Matapos nilang imbitahan sa ilang sorties nila ang mga miyembro ng CAMANAVA Press Corps, kung saan ang inyong lingkod ang pangulo sa CAMANAVA area ay tatawagin nilang bogus media ang mga ito. Tanungin n’yo na lang ang isang dating mediaman na nag-resign sa team JV, marahil may ibang dahilan at umano’y pagtatanggol sa mga lehitimong reporters at ‘potogs.’

Tama lang na hindi na suportahan ng tao itong si JV kung ganito ang kanilang asal sa mediamen na nagtatiyaga na pag-cover sa kanya tapos tatawagin lang na ‘hao-shiao,’.

NAKISAKAY LANG SA POPULARIDAD

Kung hindi sa husay sa serbisyo-publiko at popularidad ng Gatchalian brothers sa pangunguna nina Valenzuela Mayor Rex Gatchalian at Senator Sherwin Gatcha-lian, tiyak na sa kangkungan pupulutin itong si District 2 Rep. Eric Martinez!

Imagine kung hindi ba naman s’ya sinusuwerte, eh kasi noong vice mayor pa ito marami ang nagsasabi na kung nasa loob siya ng kanyang air-conditioned office ay wala mismo as in “no show” sa Konseho kaya madalas ang presiding officer ay isa sa mga konsehal.

Pero dahil laging nakaangkas sa popularidad at galing ng Gatchalian brothers, aba’y naging congressman pa. ‘Pag sinusuwerte nga naman kahit pangiti-ngiti at pakamay-kamay lang sa mga tao na walang kaalam-alam sa pagkatao nito… presto, isa nang mambabatas at ngayo’y gusto pang umulit!

SAPAT NA NUTRISYON NG MGA BATA, DAPAT

Mariing isinusulong ni nagbabalik Malabon City Rep. Jaye Lacson-Noel ang pagpapalawak ng national feeding program para siguruhing nabibigyan ng sapat na nutrisyon ang mga kabataang Malabonian.

Dapat umanong habaan at gawing 180 araw mula sa kasalukuyang 120 araw ang feeding program sa mga paaralan.

“Napakalaking tulong sa mga kabataan ang libreng pagkain sa paaralan. Bukod sa nabibigyan sila ng tamang nutrisyon, isa rin itong epektibong paraan para manatili sila sa eskwelahan.”

Kanya pang isusulong ang pag-amyenda sa batas para dumami ang mga benepisyaryo ng nasabing programa at maisama ang mga mag-aaral hanggang Grade 10.

Sa kasalukuyan, mga estudyante lamang sa mga public schools mula pre-school hanggang Grade 6 ang saklaw ng Republic Act No. 11037 o ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act na naisabatas kamakailan.

“Ibigay natin sa mga kabataan ang nararapat na suporta para sa kanila. Napakalaking tulong ng libreng pagkain sa paaralan para matiyak na lalaking malusog at matalino ang mga Malabonian.”

Tinatayang maaaring mahigit 45,000 na pre-school to Grade 10 students ng lungsod ang makikinabang sa batas na nais isulong ni Congw. Jaye kung siya’y palaring muling mailuklok sa puwesto kung saan maraming pro-poor at pro-people programs and projects ang kanyang naipatupad at napakinabangan ng mara­ming taga-lungsod. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)

391

Related posts

Leave a Comment