Mga kontratista isapubliko SINO-SINO KUMITA SA BILYONG FLOOD CONTROL PROJECTS?

KARAPATAN ng bawat Pilipino na malaman kung nasaan ang daang bilyong piso na pera ng bayan na ginamit sa flood control projects.

Ito ang binigyang-diin ng dating Executive Secretary ng Marcos admin kasabay ng paghingi ng listahan ng mga kontratista at mambabatas na nakibahagi sa proyekto.

Sa kanyang Facebook page, nag-post kahapon si Atty. Vic Rodriguez ng:

“Huwag tayo pumayag na ibaon sa ingay ng pulitika ang mga dapat PANAGUTIN sa delubyong sanhi ng malawakang pagbaha dulot ng bagyong Carina at habagat.

SINGILIN natin ang Marcos administration kung saan lugar nila inilagay ang 5,500 flood control projects na ibinida at pinalakpakan sa SONA.

At higit sa lahat: ILABAS ang LISTAHAN ng mga KONTRATISTA’T MAMBABATAS na nakinabang dito at sa magkanong halaga.”

Matatandaang sa kanyang ikatlong SONA, ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umabot na sa 5,500 ang naisakatuparang flood control projects ng kanyang administrasyon.

Subalit, dalawang araw matapos niya itong ibida ay humagupit ang Bagyong Carina na sinabayan ng habagat at pinalubog ang malaking bahagi ng kalakhang Maynila at mga karatig-lugar nito.

Dahil dito, nag-ingay ang publiko sa social media at hinanap kung saan napunta ang ibinida ni Marcos na 5,500 flood control projects.

Ang pangyayaring ito ang nagtulak sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso para ikasa ang imbestigasyon hinggil sa proyekto.

Bubusisiin Na Sa Kamara

Nagkasa na ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng imbestigasyon para mabusisi ang flood control projects, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa na ginagastusan ng mahigit isang bilyon piso araw-araw.

Bukod sa flood control projects, layon din ng House resolution (HR) 1814 ng nasabing grupo na busisiin ang epekto ng reclamation projects sa Manila Bay sa Metro Manila at mga karatig-siyudad at lalawigan nito.

Ayon sa grupo, umaabot sa 1.3 million katao ang naapektuhan sa pagbaha, 14 ang namatay at sinira ang mga pananim sa mga lalawigan sa kabila ng ipinagmalaking flood control projects.

Sinabi sa resolusyon na noong 2022, P1.018 billion ang ginagastos ng gobyerno kada araw para sa mga proyektong kokontrol sa pagbaha habang P1.079 billion noong 2023 at isang bilyong piso ngayong taon.

Sa kabila nito, naranasan pa rin ang matinding pagbaha sa Metro Manila nang magbuhos ng napakaraming ulan ang Bagyong Carina.

“The relationship between reclamation projects and increased flooding risks in vulnerable areas cannot be ignored,” ayon sa resolusyon.

Tinuran din dito na ayon sa AGHAM, binago ng reclamation projects ang coastal landscape na itinuturong nagpalala sa pagbaha.

Nilalabag din umano nito ang 2008 Supreme Court Mandamus Order para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Puro Feasibility Study

Kinuwestyon naman ni Senador Joel Villanueva ang patuloy pagsasagawa ng feasibility study para sa flood control ng Department of Public Works and Highways na pinopondohan ng milyun-milyong piso.

Sa kanyang privilege speech, iginiit ni Villanueva na nasasayang lamang ang pondong inilalaan sa mga feasibility study para sa flood control kung hindi naman malinaw na naiimplementa.

Binigyang-diin ni Villanueva na kailangan na ng komprehensibong plano upang solusyunan ang lumalalang pagbaha lalo pa’t batay sa pag-aaral, posibleng lumubog pa ang malalaking lungsod sa Metro Manila sa 2050 bunsod ng pagbaha dulot ng climate change.

Nakababahala anya ito at kahit na gumugol ang gobyerno ng bilyun-bilyon para sa flood control projects kung walang klarong solusyon o masterplan, mananatili itong “unli-baha”, kasabay ng paalala na hindi naman “unli” ang pagtitiis ng mga Pilipino, hindi “unli” ang pondo ng bayan at hindi “unli” ang buhay ng ating mga kababayan.

Hindi na anya uubra ang band-aid solutions at relief operations na lang palagi kapag may bagyo.

Samantala, pinabubusisi ni Senador Grace Poe sa Senado ang tinawag nitong underutilization ng pondo para sa flood control projects kasunod ng malawakang pagbaha dulot ng pananalasa ng Bagyong Carina at ng habagat.

Sa kanyang Senate Resolution No. 1080, nais ni Poe na ipaliwanag ng DPWH ang bumababang fund disbursement nito para sa flood control at management projects sa kabila ng patuloy na pagtaas ng alokasyon sa kanila sa nakalipas na limang taon.

Dapat anyang masagot kung bakit sa kabila ng patuloy na investments sa flood control projects at mechanisms ay nananatiling hindi handa ang bansa sa pagharap sa mga kalamidad.

Sa datos, ayon kay Poe, ang pondo ng DPWH noong 2020 ay P90 bilyon; P101 bilyon noong 2021; P128 bilyon noong 2022; P182 bilyon noong 2023 at P244 bilyon ngayong taon.

Sa nakalipas na limang taon, 20 percent ng pondo ng DPWH ay inilalaan para sa Flood Management Program na itinaas sa 25 percent ngayong 2024.

Subalit, ang disbursement rate ng DPWH para sa programa noong 2021 ay 68.26% lamang; 73% noong 2022; at 58% noong 2023.

Nais ni Poe na isumite ng DPWH sa Senado ang kanilang comprehensive at up-to-date data sa estado ng kanilang Flood Management Program kabilang ang financial expenditures, project timelines, budget utilization rates, at environmental impact assessments. (May dagdag na ulat sina BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

310

Related posts

Leave a Comment