IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa puwersa ng gobyerno na panatilihin ang ‘strategic presence’ sa West Philippine Sea kasunod ng pagbabalik ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) mula Escoda Shoal.
Sinabi ito ni National Maritime Council (NMC) spokesman Alexander Lopez matapos mag-pull out ang BRP Teresa Magbanua dahil natapos na ang matagumpay nitong five-month mission sa pinagtatalunang katubigan.
Sa isang panayam ng Malacañang reporters, ngayong Lunes, sinabi ni Lopez na nakatakdang mag-deploy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng bagong vessel para i-monitor ang lugar kasunod ng direktiba mula sa Pangulo.
“I just want to clear that kapag sinabi natin presence, magpapadala lang ng isang barko,” dagdag na wika nito.
Ang paliwanag ni Lopez, sapat na ang isang barko para i-monitor hindi lamang ang Escoda Shoal kundi maging ang buong West Philippine Sea, makadaragdag ito ng tulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Navy (PN), at PCG.
Gayunman, tumanggi si Lopez na pangalanan ang barko na papalit sa BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.
“Hindi ko muna pwede sabihin ngayon until such time that nakapag-take station ‘yung pinadala ng Coast Guard,” lahad nito.
Sa kabila nito, tiniyak ni Lopez sa publiko na ang pag-alis ng BRP Teresa Magbanua mula sa Escoda Shoal ay hindi nangangahulugan na isinusuko na ng Pilipinas ang karapatan nito sa pinagtatalunang katubigan.
“Mali yung ganoon pananaw. Wala tayong gini-give up,” aniya pa rin sabay sabing “Kahit umalis yung Teresa Magbanua doon, it did not diminish our presence there dahil may ibang paraan para i-monitor, i-cover yung area.”
Matapos ang limang buwang deployment, lumisan na ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), ang flagship vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) lulan ang 60 crew nito na gutom at uhaw na uhaw na nagbalik sa Puerto Princesa City, Palawan.
Batay sa report, apat sa mga crew ay dehydrated na habang isa naman ay may sugat sa hita at ang kanilang mga kasamahan ay nanghihina na rin sa gutom saka sa matinding uhaw dulot ng panghaharang ng China Coast Guard sa resupply mission. (CHRISTIAN DALE)
93