PAGKAKAISA AT PAKIKIBAKA NG SIAP PARTY PARA KAY REP. LEE AT SA PAG-USAD NG COTABATO CITY

TARGET NI KA REX CAYANONG

ANG pag-anunsyo ng SIAP Party sa kanilang buong suporta sa kandidatura ni Rep. Wilbert Lee para sa Senado ay isang malinaw na pahiwatig ng matatag na pagkakaisa at malasakit sa hinaharap ng Cotabato City.

Sa press conference na dinaluhan ng mga lider ng SIAP Party tulad nina Atty. Naguib Sinarimbo, Cotabato City Vice Mayor Johari Butch Abu, at Datu Bimbo Pasawiran Ayunan, ipinakita ang kanilang determinasyon na maglingkod sa kanilang nasasakupan at isulong ang mga adhikaing makabubuti sa buong rehiyon.

Isa sa mga mahalagang mensahe sa pagtitipon ay ang anunsyo ni Atty. Sinarimbo ng kanyang pagtakbo bilang kinatawan ng ikalawang parliamentary district ng Cotabato sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Aba’y ang hakbang na ito ay patunay ng kanilang intensyon na palakasin ang representasyon ng Cotabato sa larangan ng pambansang pulitika.

Ang darating na halalan sa 2025 ay mukhang magiging kapana-panabik at masalimuot, lalo na sa pagpupunyagi ng iba’t ibang grupo na isulong ang kani-kanilang kandidatura.

Maging ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP), sa pangunguna ni Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim, ay itinaas ang mga kamay ni Mayor Bruce Matabalao at Johair Madag bilang mga magiging lider ng Cotabato.

Habang ang SIAP Party, sa kanilang panig, ay inendorso sina Vice Mayor Johari Butch Abu para sa pagka-alkalde at Kapitan Datu Bimbo Pasawiran Ayunan bilang bise alkalde.

Ang kanilang desisyon na magkaisa sa ilalim ng iisang layunin ay isang halimbawa ng tamang uri ng pamumuno—isang pamumunong hindi lamang nakabatay sa indibidwal na ambisyon kundi sa hangaring tunay na makapaglingkod.

Ang tandem nina Abu at Ayunan ay nagpapakita ng kanilang pagkakaisa at matatag na adhikain na palakasin ang mga programa at proyekto para sa kabutihan ng kanilang nasasakupan.

Sa kabila ng mga alingasngas at pulitikal na alitan, ang pagkakaisa at kooperasyon sa pagitan ng mga partido tulad ng SIAP at UBJP ay mahalaga sa pagsusulong ng kaunlaran ng Cotabato City at ng BARMM.

Ang ganitong uri ng pagkakaisa ay nagbibigay pag-asa sa mga mamamayan na ang kanilang mga lider ay nakatuon sa kapayapaan at progreso.

Malinaw na ang darating na halalan ay hindi lamang tungkol sa pagkapanalo ng mga kandidato kundi sa pagbibigay ng isang malinaw na direksyon tungo sa mas maliwanag na kinabukasan para sa Cotabato City.

Sana ay magpatuloy ang mga ganitong hakbang ng pagkakaisa sa pulitika at magbunga ng tunay na pagbabago sa ating lipunan.

123

Related posts

Leave a Comment