(NI BERNARD TAGUINOD)
HINAHANAP ng isang mambabatas sa Kamara sa Department of Transportation (DOTr) ang P450 million na inilaan ng Kongreso noong 2017 para sa pagpapatayo ng seaport sa Pagasa Island.
Itinaon ni House deputy minority leader Lito Atienza ang pagtatanong sa ginta ng pagdami umano ng Chinese maritime militia vessels sa paligid ng Pagasa Island sa West Philippine Sea.
Ayon sa mambabatas dalawang taon na ang nakararaan simula nang aprubahan ng Kongreso at isama sa 2017 General Appropriation Act (GAA) ang nasabing pondo subalit walang impormasyon kung nasimulan na ang nasabing proyekto.
Nais ng mambabatas na ituloy ng ahensya ang pagpapatayo ng nasabing seaport sa Pagasa Island upang dumami umano ang mga tao sa nasabing isla na ngayon ay mayroon lamang 400 residente.
“We hope the DOTr is still pushing through with the project, which has become absolutely imperative for us to encourage more Filipinos to live on the remote island,” ani Atienza.
Ang tanging proyekto na ginawa umano sa Pagasa Island ay “beaching ramp” o ang rehabilitasyon ng may 1.3 kilometrong airstrip sa nasabing Island na ginagawa ng Department of National Defense (DND).
“Now would be an excellent time for the DOTr to carry out the project, considering that the military is set to complete the construction of a beaching ramp on the island,” ayon kay Atienza.
Ang Pagasa Island ay bahagi ng Spratly Island at inokupahan ng Pilipinas simula noong 1970 at may layong 518 kilometrosa Puerto Princesa City.
Gayunpaman, inaangkin ng China ang buong Spratly Island at marami ang nagdududa na target din ng nasabing bansa ang Pagasa Island dahil pinalilibutan ito ng kanilang maritime militia.
165