NAPIPINTONG SELF-DESTRUCTION NI ADVINCULA ALYAS BIKOY

SIDEBAR

Kung matutuloy ang Se­nate inquiry bukas, araw ng Biyernes, hinggil sa mga alegasyon ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy, inaasahang malalantad ang mga kasinu­ngalingan na ikinakalat ni Bikoy laban sa ilang mga personalidad.

Committee on Public Order and Illegal Drugs na pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson ang magsasagawa ng imbestigasyon kay Bikoy pero ngayon pa lang ay sinasabi na ng senador na tuluyang mahuhubaran ang sinasabing whistleblower base na rin sa ibinigay nitong sworn statement kay Senate President Tito Sotto noong 2016.

Sinabi ni Lacson na Di­syembre 2016 unang naki­pag-ugnayan si Bikoy kay SP Sotto at ipinadala ng senador ang kanyang staff sa New Bilibid Prisons para makausap siya at makunan ng sinumpaang salaysay.

Convicted sa salang estafa si Advincula at nahatulan siya ng anim na taong pagkakakulong sa NBP mula 2012 hanggang lumaya ito nang mas maaga sa 2018 dahil sa good behavior sa loob ng Bilibid.

Ayon kay Lacson, naalala ni Sotto ang pangalang Peter Advincula kung kaya pinahanap ng senador sa kanyang files ang sulat sa kanya ni alyas Bikoy pati na ang kopya ng kanyang sinum­paang salaysay noong 2016. “Matapos ang pagpapahayag ni SP Sotto palagay ko mauunawaan ng publiko na wala na ring saysay pakinggan si Bikoy,” ani Lacson.

Kinumpirma ni Sotto ang pahayag na ito ni Lacson at sinabing base sa December 2016 statement ni Advincula, inakusahan ni Bikoy na sangkot sa “Quadrangle” drug syndicate sina Pangulong Noynoy Aquino, Interior Secretary Mar Roxas at Justice Secretary Leila de Lima.

Ayon pa kay Advincula, si Aquino at ang kanyang dalawang Cabinet secretary ay “patron” ng mga sindikato ng droga kabilang ang iba pang opisyal na hindi niya pinangalanan.

Dahil hindi pinansin si Advincula noong 2016, nag-iba na siya ng tono at nang makalaya sa NBP ay hindi na sina Pangulong Aquino, Roxas at De Lima ang kanyang isinasangkot sa ilegal na droga kundi ang anak ni Pangulong Duterte na si Paolo, dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go at si Atty. Manassas Carpio na asawa ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.

Hindi na rin pinansin ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) si Advincula dahil na rin marahil sa nakita nitong mga kontradiksyon at hindi kapani-paniwalang mga alegasyon na walang ano mang katibayan o ebidensya.

Kaya dapat matuloy ang Senate inquiry bukas kay Bikoy nang sa gayon ay ma­kita ng publiko kung anong klaseng pagkatao mayroon si Advincula at kung may maipapakita itong ebidensya para suportahan ang kanyang mga akusasyon.

Nakadepende sa pagdalo ni Bikoy sa Senado bukas kung matutuloy ang imbestigasyon ni Senador Lacson. Ayon na rin sa senador, humihingi ng mas mahabang panahon si Advincula at kung maaari ay pagkatapos na lang ng eleksyon ang Senate inquiry. Abangan… (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

141

Related posts

Leave a Comment