SINUSUGAN ng pamilyang makakalaban ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pagtiyak ng Commission on Elections para sa patas at malinis na halalan sa lungsod sa darating na midterm elections sa susunod na taon.
Sinabi ni Curlee Discaya, ang asawa ng kilala sa Pasig na Ate Sarah na inaasahang siyang makakatunggali ni Sotto, na hind isila konektado at walang kinalaman sa joint venture ng South Korean Miru System, ang nanalong supplier ng technology at paraphernalia para sa halalan 2025, taliwas sa reklamo ng alkalde base sa sulat nito kamakailan sa Comelec.
Nauna namang pinahupa ng Comelec ang alegasyon ni Sotto na ang pamilya ng kanyang inaasahang makakalaban sa halalan 2025 ay umano’y bahagi ng St. Timothy Construction na kasama sa grupong nabigyan ng award para sa supply contract ng technology at mga gamit sa midterm polls.
“Hindi papayagan ng Comelec na makompromiso ang integridad ng halalan,” pagtiyak ni Comelec chairman George Garcia kay Sotto, matapos niyang iparating sa alkalde na ang St. Timothy ay kumalas na sa joint venture ng Miru Systems.
Pinaniwalaan naman ng grupong makakatunggali ni Sotto na tila natatakot ang alkalde sa sariling multo nang uriratin nito ang koneksiyon ng St. Timothy sa Miru Systems na siyang magpapatakbo sa 2025 automated elections.
Matatandaang noong halalang 2019 kung kailan nanalo si Sotto bilang mayor ay nagkaroon ng isyu na pinaboran umano siya ng dating operator ng automated elections kaya tinalo nya ang nakaupo noon na alkaldeng si Robert ‘Bobby’ Eusebio.
“Kailangan ay itigil na ni Sotto ang mga kasinungalingang mapanira sa aming pamilya at sa aming negosyo, at sa halip ay ituon na lang nya ang kanyang panahon sa pagpapaganda ng
serbisyo sa Pasigueños tulad ng kakulangan ng mga gamot sa mga ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lokal,” pahayag ni Curlee Discaya.
Idinagdag pa niyang dapat ding tuparin na ng alkalde ang mga pangakong suporta sa edukasyon at pag-aaral ng mga batang Pasig kagaya ng gamit sa eskuwela at school uniform na hindi pa rin lubusang naipamimigay sa mga mag-aaral.
“At sa halip na siraan kami nang walang basehan ay ikonsiderana lang sana ni Mayor Sotto ang aming offer na ang construction firm namin ang gagawa ng detailed engineering plan and design para sa bagong gusali ng city hall at ang nakalaang pambayad nitong P885 milyon ay donasyon na lamang namin sa lungsod para sa pagpatayo ng dagdag na ospital na kumpleto ng medical equipments at mga gamot,” pag-ungkat ni Curlee sa kanyang naunang sulat sa alkalde.
Pahayag pa niya, “Hindi lamang suhestiyon yung konteksto ng nauna kong sulat sa iyo, mayor, kundi offer of donation na kung pakikinggan mo sana ay matutuwa ang ating mga kababayan dahil
silang lahat, mahirap man o mayaman, ang makikinabang sa pagkakaisa natin para sa kapakanan ng Pasigueños.”