(NI JG TUMBADO)
TINUTUGIS na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Peter Joemel Advincula o ang nagpakilalang Bikoy sa “Ang Totoong Narcolist
video series.
Ayon kay PNP Chief General Oscar Albayalde, umarangkada na ang manhunt operation laban kay Advincula para maisilbi rito ang mga warrant of arrest laban sa kanya at mga kasabwat dahil sa kasong estafa at large scale illegal recruitment.
Sinabi ni Albayalde na nagsimula ang pagtutugis kay Advincula kasunod ng ipinalabas na warrant of arrest ng La Trinidad, Benguet Municipal Trial Court noong Setyembre 26, 2007, dahil sa kasong estafa at ng korte sa Baguio City noong Agosto 10, 2007 dahil sa large-scale illegal recruitment.
Gumagamit umano si Advincula ng mga alyas na R.B. Santos, John Paul Rafael Benedict Santos, Arcangel de Leon o Archie Santos, Lory Camba, at Jaime Gaupo, Jr. para maitago ang tunay na pagkakakilanlan nito.
Samantala, naghain din ng reklamong estafa sa Department of Justice (DoJ) ang isang negosyante laban kay Advincula, ang nag-aakusa sa First Family na sabit umano sa illegal drug trade.
Kinasuhan kahapon ni Arven Valmores, president at CEO ng Ardeur World Marketing Corp., isang perfume distributor, si Advincula dahil sa pag-organisa nito ng isang beauty pageant gamit ang pangalan at logo ng kanyang kompanya at bigla na lamang na naglaho nang hindi nagbabayad ng P300,000 na halaga ng pasweldo sa production staff at sa mga nanalo sa patimpalak.
Nangyari umano ang beauty pageant sa Polangui, Albay noong Agosto 11 ng nakaraang taon. Iginiit ni Valmores na hindi ipinaalam sa kanya at hindi rin niya pinayagan ang paggamit ng kanyang kompanya sa nasabing pageant.
Nabigo rin umanong sumipot si Advincula noong coronation night kaya’t hindi nabayaran ang mga nanalo at ang mga nagtrabaho sa nasabing aktibidad. Dahil sa pangamba na ikasisira ng reputasyon ng kanyang kompanya, napilitan umano si Valmores na bayaran ang mga utang ni Advincula sa 28 indibidwal.
158