TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG
MULING binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang matibay na prinsipyo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban sa kriminalidad—protektahan ang mga inosente at tiyaking ang mga tagapagpatupad ng batas ay sumusunod sa legal na proseso.
Bagama’t kilala si Duterte sa kanyang matapang na tindig laban sa droga, malinaw ang kanyang direktiba: walang inosenteng dapat madamay at dapat isakatuparan ang tungkulin sa loob ng balangkas ng batas.
“Sabi nga ni Pangulong Duterte noon, wala siyang inutos pumatay ng inosente,” ani Go.
Ipinunto niya ang mariing pagnanais ni Duterte na durugin ang mga tiwaling pulis at mga abusadong opisyal na nakikipagsabwatan sa mga sindikato ng droga at nagdudulot ng panganib sa publiko.
Ipinakikita nito ang kanyang malasakit sa seguridad ng mamamayan at ang pagnanais na magkaroon ng malinis na kapulisan.
Isa sa mga hakbang ni Duterte upang mapanatili ang integridad sa hanay ng kapulisan ay ang pagdoble ng kanilang sahod noong unang taon ng kanyang panunungkulan. Ito ay para bigyang-insentibo ang mga pulis upang maging tapat at umiwas sa katiwalian.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang ilan sa mga ito sa masamang gawain, bagay na ikinagalit ni Duterte.
Sa kabila ng kanyang pagsisikap na gawing mas makatao at makatarungan ang pamahalaan, mayroon pa ring mga nagpapabaya sa kanilang tungkulin.
Binigyang-pansin din ni Go ang Senate investigation noong 2019 tungkol sa tinaguriang “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa ilegal na gawain, lalo na sa droga.
Natuklasan sa imbestigasyong ito ang determinasyon ng administrasyon ni Duterte na papanagutin ang sinomang nasa likod ng katiwalian.
Sa tingin ni Duterte, hindi nararapat ang gantimpala o “reward” para sa mga pulis na gumagawa ng kanilang tungkulin nang hindi tama. “Bakit ako magbabayad sa kanila, trabaho man nila ‘yan?” ang pahayag ni Tatay Digong, na nagpapakita ng kanyang paniniwala na dapat lang gampanan ng mga pulis ang kanilang tungkulin nang walang hinihintay na kapalit.
At muling binigyang-diin ni Go na ang matibay na posisyon ni Duterte laban sa kriminalidad ay nagmula sa taos-pusong hangarin nitong proteksyunan ang mga Pilipino at pairalin ang batas.
“Tulad din naman po ng sinabi ni PRRD noon sa mga pulis, gampanan po nila ang kanilang tungkulin, proteksyunan ang buhay at kapakanan ng mga inosente sa paraang naaayon sa batas.”
Ang mga prinsipyong ito ay patuloy na isinasapuso ni Senator Bong Go habang siya ay nagpapanday ng mga panukalang batas na naglalayong mapabuti ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga tagapagpatupad ng batas.
Ang kanyang pananaw sa pagseserbisyo publiko, na kanyang natutunan kay Duterte, ay nakabatay sa paggawa ng tama at paglalagay sa kapakanan ng mga mahihirap sa unang lugar.
63