STAFF NI CONGRESSMAN JOLO REVILLA PATAY SA AKSIDENTE

NASAWI ang isang staff ni Cavite 1st District Representative Jolo Revilla nang bumangga ang minamanehong motorsiklo sa isang Isuzu ref van sa Noveleta, Cavite, Martes ng gabi.

Isinugod pa sa Divine Grace Medical Center ang biktima na si Rey Arevalo, 34, may-asawa ng Camia St., Green Valley, Molino II, Bacoor City, Cavite subalit namatay ito habang ginagamot.

Hawak naman na ng pulisya ang driver ng Isuzu ref van na may plakang NFL 3644 na si Edwin Jaena, 48, ng Blk 61 Lot 6A La Paz Homes Brgy. Cabezas, Trece Martires Cavite.

Sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-8:15 kamakalawa ng gabi kung saan minamaneho ni Janea ang isang Isuzu ref van habang binabagtas ang kahabaan ng Manila-Cavite Road patungo sa direksyon ng Cavite City habang minamaneho naman ng biktima ang kanyang kulay Matte dark gray na motorsiklo na Mio Gear na may plakang D122FC habang binabagtas ang nasabi ring lugar patungo sa direksyon ng Noveleta town proper.

Pagsapit sa Brgy. San Rafael IV, Noveleta Cavite nang ipihit ng biktima ang kanyang motorsiklo sa opposite lane kaya aksidenteng bumangga sa Isuzu van.

Dahil sa pangyayari, tumilapon mula sa kanyang motorsiklo ang biktima sa sementong kalsada dahilan ng kanyang malalang sugat.

Isinugod sa ospital subalit namatay ito habang ginagamot bandang alas-4:00 kahapon ng madaling araw.

Sa Facebook account ni Revilla, nagpaabot ito ng pakikiramay sa pamilya ng naulila.

Ayon kay Revilla, si Rey na tinawag niyang “Rey Areglado” dahil 100% sure na tapos at successful ang trabaho nito basta siya ang gumagawa, ay pinakauna niyang staff noong nagsisimula pa lamang siya sa pulitika bilang Kapitan ng Barangay. (SIGFRED ADSUARA)

7

Related posts

Leave a Comment