NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 121, na lumilikha sa Electric Vehicle Incentive Strategy (EVIS) Program upang palakasin ang lokal na paggawa ng electric vehicles (EVs) at makahikayat ng mas maraming pamumuhunan sa industriya ng sasakyan sa bansa.
Nilagdaan ang EO noong Hulyo 29. Sa ilalim nito, magkakaloob ng mga insentibo sa mga kumpanyang gagawa sa Pilipinas ng hybrid at battery electric passenger vehicles, commercial vehicles, at kanilang mga piyesa.
Layunin ng EVIS Program na mapalawak ang lokal na produksyon ng EVs, makalikha ng de-kalidad na trabaho, mabawasan ang pagdepende ng bansa sa fossil fuels, at gawing sentro ng paggawa ng sasakyan ang Pilipinas sa rehiyon.
“Ang EVIS Program ay magbibigay ng pansamantala, nakatuon, nakabatay sa performance, at malinaw na suportang piskal upang mahikayat ang mga estratehikong pamumuhunan sa lokal na paggawa ng electric vehicles,” ayon sa Pangulo.
Maaaring magparehistro ang mga kuwalipikadong manufacturer ng hanggang dalawang EV models at makatanggap ng dalawang uri ng insentibo: Fixed Investment Support (FIS) para sa pagtatayo o pagpapalawak ng pabrika, at Production Volume Incentives (PVI) upang hikayatin ang mas malaking lokal na produksyon.
Sa halip na cash grant, bibigyan ang mga kuwalipikadong kalahok ng Tax Payment Certificates, na maaaring gamitin sa pagbabayad ng ilang pambansang buwis at import duties.
Upang maging kwalipikado, kinakailangang magkaroon ang kumpanya ng bagong pamumuhunan, maglaan ng hindi bababa sa ₱5 bilyon na kapital, maabot ang itinakdang production targets, at mailunsad ang lokal na ginawang EV sa loob ng tatlong taon mula sa pagpaparehistro.
May nakalaang P60 bilyong pondo para sa EVIS Program, kung saan maaaring umabot sa ₱15 bilyon ang insentibo para sa bawat EV model, depende sa taunang budget ng pamahalaan.
Nakasaad din sa EO ang regular na monitoring sa mga kalahok upang matiyak na natutupad nila ang kanilang mga pangako sa pamumuhunan at produksyon.
Pangungunahan ng Board of Investments (BOI) ang pagpapatupad ng programa, katuwang ang Department of Finance (DOF), Department of Energy (DOE), Department of Transportation (DOTr), at Department of Budget and Management (DBM).
(CHRISTIAN DALE)
100 