TARGET NI KA REX CAYANONG
SA ilalim ng pamumuno ni Governor Doktora Helen Tan, buong puso ang pasasalamat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito’y bunga ng mahalagang inisyatibo ng pamahalaang nasyonal na naglalayong mabigyan ng kaginhawaan ang ating mga magsasaka.
Sa pamamagitan ng ipinamahaging E-Titles at Certificate of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) ngayong Nobyembre 29, nadama ang tunay na malasakit ng administrasyon para sa sektor ng agrikultura.
Umabot sa kabuuang halagang P441.71 milyon ang na-condone para sa lalawigan ng Quezon, na nagresulta sa pamamahagi ng 11,497 COCROMs.
Ang hakbang na ito ay naglalayong mabawasan ang pinansyal na pasanin ng ating mga magsasaka, na matagal nang humaharap sa hamon ng bayarin sa lupa.
Bukod pa rito, 15 E-Titles ang naipamahagi sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT).
Sinasabing ang programang ito ay nagbibigay ng indibidwal na titulo ng lupa sa mga magsasaka, isang mahalagang hakbang tungo sa seguridad sa pagmamay-ari ng kanilang sinasaka.
Ang inisyatibo ay kaakibat ng Republic Act 11953 o ang bagong Emancipation Act na nagbibigay-daan sa mga magsasaka na makalaya mula sa pasaning pinansyal kaugnay ng kanilang mga lupa.
Ito ay isang hakbang tungo sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain, hindi lamang sa Quezon kundi sa buong bansa.
Pinatunayan ni Pangulong Marcos Jr. na ang sektor ng agrikultura ay isa sa mga pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon.
Sa kanyang pahayag, tiniyak ni PBBM ang patuloy na pagsuporta ng pamahalaan sa mga proyektong agrikultural para sa kaunlaran ng bawat Pilipino.
Ang tagumpay na ito ay patunay ng pagkakaisa at kolaborasyon sa pagitan ng lokal at nasyonal na pamahalaan.
Nawa’y maging inspirasyon ito para sa mas marami pang programa at proyekto na magpapalakas sa ating mga magsasaka at sa agrikulturang Pilipino.
21