LUBHANG nakaapekto ang pinsalang dulot ng Tropical Storm Kristine nitong mga nakaraang buwan sa iba’t ibang sektor sa Naga City.
Nagsagawa ang Angat Buhay at si dating vice president Leni Robredo, ng masusing pagsusuri ng barangay health centers na sinira ng Bagyong Kristine.
Kasunod ng pagsusuring ito, humingi sila ng donasyon para mapunan ang medical supplies sa mga center na ito, alinsunod sa Manual of Standards ng Department of Health.
Sa pamamagitan ng suporta mula sa mga partner — Metrobank Foundation, Inc., at iba pa — nakapagbigay sila ng kumpletong set ng mahalagang medical equipment sa 15 barangay health centers na nasira ng bagyo, at limitadong bilang ng medical equipment sa 12 centers na bahagyang napinsala.
“The turnover of medical supplies is part of Angat Buhay’s rehabilitation efforts for barangays affected by Tropical Storm Kristine,” wika ni Robredo.
Nakapag-turnover si Robredo at mga partner ng tinatayang P3.5 milyong halaga ng medical equipment, kabilang ang oxygen tanks, autoclaves, weighing scales, stretchers, examining tables, at salter scales, at iba pa.
“Nais nating mapunuan ang kanilang supply para matiyak na matutugunan ang pangangailangan ng kanilang mga residente na naapektuhan ng baha,” dagdag ni Robredo.
“Metrobank Foundation is honored to have collaborated with Angat Buhay in its rehabilitation efforts for Naga City communities affected by Typhoon Kristine. Providing essential medical equipment to barangay health centers ensures that residents have access to the healthcare they need,” wika ni Philip “Boyet” Dy, Executive Vice President ng Metrobank Foundation Inc.
Idinagdag ni Robredo na makatutulong ang medical supplies at equipment para mapalakas ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan bilang bahagi ng kanilang layuning palakasin ang universal healthcare sa siyudad at sa mga barangay.
Matapos ang kanyang termino bilang bise presidente, itinatag ni Robredo Angat Buhay para maipagpatuloy ang paghahatid ng tulong ng partners at volunteers sa iba’t ibang komunidad sa buong bansa.
Nananatiling matibay ang Angat Buhay sa hangarin nitong suportahan ang isinasagawang relief at rehabilitation para makabangon ang Naga City mula sa krisis na dulot ng bagyo. Noong Nobyembre, nagsagawa ang Angat Buhay ng Water Search and Rescue (WASAR) training para mapatibay ang kaalaman ng community members ng Naga City.
