(JOEL AMONGO)
PATULOY na umaani ng suporta mula sa sambayanang Pilipino ang itinutulak ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez na war on corruption.
Ito ang napatunayan sa isang pagtitipon kamakailan sa Brgy. Hall ng Barangay Balibago, Angeles City, kasama ang mga dumalong kinatawan mula sa Bataan, Aurora, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija at iba pa.
Ang bawat kinatawan mula sa nabanggit na mga lugar ay nagbigay ng kani-kanilang paninindigan upang suportahan ang war on corruption.
Sa pananalita ni Atty. Rodriguez sa harap ng mga kinatawan mula sa naturang mga lugar at ng mga barangay official ng Balibago, sa pangunguna ni Kapitan Joseph “PJ” Ponce, iginiit nito na ang war on corruption ay hindi lamang campaign slogan, dapat ay labanan at bantayan ang tamang paggamit ng pondo ng gobyerno dahil naaapektuhan nito ang mga serbisyo sa sambayanang Pilipino.
Binanggit din ni Atty. Rodriguez ang nawawalang P500 bilyong budget sa 5,500 flood control projects ng gobyerno.
Sa nagdaan aniyang habagat na sinabayan ng bagyo ay may dalawang bata na nasawi.
“Nasaan ang ipinagmamalaking 5,500 flood control projects at saan dinala ng administrasyong Bongbong Marcos ang 500 bilyong pisong pondo nito,” tanong pa ni Atty. Rodriguez.
Idinagdag pa niya ang P89.9 bilyon PhilHealth funds na tinangkang kunin lahat ng national government para pondohan ang pork barrel.
Mabuti na lamang aniya at pinigilan ng Korte Suprema sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO) kaya hindi nasimot lahat ang nasabing pondo.
Kasabay nito, inihayag ni Atty. Rodriguez na suportado niya ang death penalty at nais na kasamang sampolan sa kasong plunder ang mga nasa gobyerno gayundin ang mga taong masasangkot sa droga.
Sakaling palarin sa Senado, nais umano niyang amyendahan ang umiiral na batas sa kasong plunder, sapagkat kinakailangan munang maglustay ng isang opisyal ng gobyerno ng P50 milyon bago ito masampahan ng naturang kaso.
Nais ni Atty. Rodriguez na maibaba ang P50 milyon sa P5 milyon lamang para makasuhan ng plunder ang isang tiwaling opisyal ng gobyerno.
Hindi aniya masasabing anti-poor ang kanyang panukalang pag-amyenda sa kasalukuyang batas sa kasong plunder dahil walang mahirap na magkakaroon ng limang milyong piso.
Samantala, pinaunlakan din ni Atty. Rodriguez ang imbitasyon sa kanya ng mga residente ng Gandus Park Homes sa Brgy. Gandus, Mexico, Pampanga na nagpahayag ng kanilang suporta sa dating Executive Secretary.
Pinasalamatan naman ni Atty. Rodriguez ang mga lider ng komunidad na dumalo sa pagtitipon sa Brgy. Balibago, Angeles City, Brgy. Gandus, Mexico, Pampanga at MAISUG na humamon sa kanya na maging kinatawan siya ng tunay na oposisyon na magsusulong ng mga panukalang batas sa Senado para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
83