(CHRISTIAN DALE)
HINIKAYAT ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang local government units (LGUs) na paigtingin ang kanilang pag-iinspeksyon upang matiyak na tuluyang mapupuksa ang natitirang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
“Mensahe ito sa lahat ng LCE [local chief executives], husayan n’yo trabaho, siguraduhin n’yong inspeksyunin n’yo lahat ng mga building. Kayo rin ang mananagot kung mahuli namin na pinasok n’yo mga building at hindi kayo nag-report sa amin,” ang sinabi ni Remulla.
Ipinalabas ni Remulla ang babala matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang pasilidad sa Barangay Tambo, Parañaque City noong Miyerkoles, Enero 8 na sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) ay ginamit sa ‘love at investment scams.’
Ang pagsalakay ay nangyari ilang araw matapos ang December 31, 2024 deadline para sa POGO sa bansa.
Mahigit 400 na indibidwal na nagtatrabaho sa hub ang nasakote at kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI. Karamihan sa mga ito ay Chinese, Vietnamese, Indonesian, at Myanmar nationals.
“Full operation eh, 400 plus, so susulat kami sa LGU, hihingi kami ng paliwanag kung ano talaga ang nangyari,” ani Remulla.
Matatandaang nagpalabas si Remulla ng isang memo noong Enero 2, inaatasan ang LGUs na regular na inspeksyunin ang mga business establishment upang matiyak na hindi na mago-operate ang POGOs sa kanilang ‘areas of authority.’
Ipinag-utos din nya sa LGUs na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa ‘hidden POGO operations.’
Inatasan din ang LGUs na magsumite ng “no POGO” certificate sa pagtatapos ng Enero 2025.
Matatandaang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ang tuluyang pag-ban sa POGO.
Inatasan din nito ang Philippine Amusement and Gaming Corporation ng ‘tight deadline’ para isara ang kontrobersiyal na POGO activities bago matapos ang 2024.
