2 ex-BFAR officials, nagpiyansa sa 4 graft cases kaugnay ng maanomalyang P2-B VMS project

NAGPIYANSA ang dalawang dating mataas na opisyal ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) para sa apat na kaso ng graft na isinampa laban sa kanila ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa P2-bilyong vessel monitoring system (VMS) project noong 2018. Naglagak ng tig-P360,000 na piyansa sina dating DA Undersecretary for Fisheries at BFAR National Director Eduardo B. Gongona at dating BFAR National Director Demosthenes R. Escoto sa Antipolo City Regional Trial Court (RTC) kapalit ng pansamantala nilang kalayaan. Itinakda ng korte ang kanilang arraignment sa Enero 22 at ang pre-trial sa Pebrero 26. Kasama sina Gongona at Escoto sa kinasuhan ng dalawang paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act (RA) No. 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act”, at tig-isang paglabag sa Sections 3(g) at 3(j) ng parehong batas dahil sa umano’y maling paggawad ng kontrata sa isang British company. Pinangalanan ding akusado sa kaso si Simon Tucker, CEO ng UK-based SRT Marine Systems Solutions Ltd (SRT-UK). Nagpiyansa sina Gongona at Escoto noong Enero 6, isang araw matapos maglabas ng arrest warrants ang Antipolo RTC laban sa kanila. Ang mga kaso ay orihinal na isinampa sa Quezon City RTC noong Disyembre 3 ngunit inilipat sa Antipolo RTC dahil sa jurisdiction issue.

Nagmula ang mga kasong graft sa reklamong inihain ni Atty. James Mier Victoriano laban kina Gongona, Escoto, Tucker, dating DA Assistant Secretary Hansel Didulo, at Chief Financial Officer ng SRT-UK na si Richard Hurd. Ayon sa reklamo, nilabag nila ang RA 3019 at ang Government Procurement Reform Act (RA 9184). Gayunpaman, ibinasura ng Ombudsman ang mga kaso laban kina Didulo at Hurd dahil sa kakulangan ng ebidensya at walang nakitang paglabag sa RA 9184 ang sinuman sa mga akusado.

Batay sa records, ang VMS project na orihinal na nagkakahalaga ng P1.6 bilyon ay popondohan sana ng pautang mula sa French government. Kinakailangang French ang sinumang bidder o bahagi siya ng isang joint venture kasama ang isang French entity. Noong 2017, nanalo ang SRT-France, subsidiary ng SRT-UK, sa bidding ngunit na-disqualify ito ng pamahalaan ng France dahil sa British ang nagmamay-ari rito at sa kawalan ng operational facilities sa France.

Dahil dito, natigil ang loan agreement. Noong 2018, inilipat sa lokal na pondo ang proyekto at itinaas ang budget nito sa P2.09 bilyon.

Sa parehong taon, iginawad ang kontrata sa SRT-UK. Pinalawak din ang saklaw ng proyekto mula sa orihinal na 3,736 VMS transceivers ay naging 5,000 na ito, at isinama ang satellite service subscriptions, na nagdulot ng karagdagang gastos sa gobyerno.

Sa resolusyong inilabas noong Pebrero 5, 2024, sinabi ng Ombudsman na sina Gongona, Escoto, at Tucker ay nagkutsabahan upang igawad ang kontrata sa SRT-UK sa paraang nakapinsala sa gobyerno.

“Pinangunahan nila ang sunod-sunod na mga kahina-hinalang hakbang na humantong sa paggawad ng paborableng kontrata sa SRT-UK,” ayon sa Ombudsman.

Dagdag pa nito, napilitan ang gobyerno na bilhin ang 5,000 VMS transceivers sa halip na 3,736 lamang, na nagresulta sa isang luging-luging kontrata.

Ang proyekto, na sinimulan noong Disyembre 4, 2018, ay nakatakdang magtapos noong Disyembre 4, 2021, ngunit ngayon ay itinuturing nang expired.

Pinanindigan ng Ombudsman ang desisyon nito noong Pebrero 2024 sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga mosyon na inihain ng mga akusado sa kautusang nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires noong Oktubre 2024.

Tinanggal na ng Ombudsman sa serbisyo si Escoto matapos mapatunayang guilty sa grave misconduct kaugnay ng parehong transaksyon. Bukod dito, naharap din si Escoto sa kasong contempt of court dahil sa pagpapatupad ng Fisheries Administrative Order (FAO) No. 266 sa kabila ng permanent injunction mula sa Malabon RTC.

Idineklara ng Malabon court na labag sa Saligang Batas ang FAO 266, na nag-aatas ng sistema sa pagsubaybay sa mga komersyal na sasakyang pandagat.

72

Related posts

Leave a Comment