HINDI dapat maliitin ninoman ang 1.8 milyong miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na nagsagawa ng rally nitong Enero 13 sa Quirino Grandstand.
Ito ang sagot ni dating presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo kaugnay sa ipinahayag ni ACT Teachers Partylist Congresswoman France Castro sa lingguhang ‘The Agenda’ media forum sa Club Filipino sa San Juan City kahapon ng umaga.
Sinabi kasi ni Castro na ang nasabing rally ay hindi sentimyento ng mayorya ng sambayanang Pilipino dahil ayon sa mambabatas, 41% ang sumusuporta sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Idinagdag pa ni Castro na hindi pa aniya nagpapakita ang ‘silent majority’ at naghihintay lang ng tamang panahon para ilabas ang kanilang pagsang-ayon sa nasabing impeachment case.
Susog pa ni Castro na sa kabila nang hindi pag-usad ng naunang 3 impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo, tiwala siya na itutuloy pa rin ito ng Kongreso kahit pagkatapos ng May 12, 2025 Midterm Elections sa bansa.
Giit naman ni Panelo: “kung totoo nga na mayroon nang nakahandang 103 endorsers para sa ika-apat na impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo, nangangahulugan lamang ito na dapat aniyang kilalanin ang lahat ng complainants.”
Batay kasi sa patakaran ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, maaari nang isumite nang diretso sa Senado ang nasabing impeachment case na hindi na dadaan sa iba pang proseso.
Ayon pa sa dati ring presidential spokesman, ang nasabing rally aniya ay hindi suporta sa panawagan ni Pangulong Marcos, Jr. na hindi dapat ituloy ang impeachment kundi “anti-Congress.”
“Isipin mo, 1.8 milyong katao. Napakadami niyan at hindi dapat maliitin,” dagdag pa ni Panelo.
Matatandaan na ang mga nagsipagsalita na mga ministro ng INC ay may mga “patama” hindi lamang sa ilang mga kilalang taga-suporta ni Pangulong Marcos, Jr. kundi pati na rin sa ilang mga mambabatas na nagsusulong sa impeachment case laban kay VP Sara Duterte. (NEP CASTILLO)
4