KAKAILANGANIN ng Department of Tourism (DOT) ang tulong ng Department of Transportation (DOTr) para sa mga programa na inilaan ngayong taon.
Sa Kapihan sa Manila Prince Hotel, inihayag ni Tourism Secretary Christina Frasco na ang kanilang pakikipag-kolaborasyon sa transportation ay para mapalakas at mapaganda pa ang sektor ng turismo sa bansa.
Kailangan din aniyang mapaganda ang ‘international gateways’ tulad ng paliparan para makahikayat pa ng mas maraming turista.
Sinabi ni Frasco na ngayong Marcos administration ay kapansin-pansin ang pagtaas ng pananatili ng mga turista sa bansa lalo sa mga tourist destination. Karamihan din sa mga nagpupunta sa Pilipinas ay mga repeat tourist.
Kaugnay nito, pinasalamatan ng kalihim si Pangulong Bongbong Marcos sa desisyon hinggil sa private-public partnership para mapaganda ang mga international airport na makatutulong aniya na lalong tumaas ang bilang ng mga turista sa bansa.
Umaasa rin ang DOT na maisasapribado na ng DOTr ang iba pang international gateways sa bansa. (JOCELYN DOMENDEN)
