SENADO PINAKILOS PARA MAPALAKAS ANTI-ESPIONAGE LAW

IGINIIT ni Senador Risa Hontiveros ang pangangailangan ng agarang pagkilos ng Senado upang mapahusay at mapalakas ang kasalukuyang Anti-Espionage Law.

Ito ay kasunod ng pagkakaaresto sa isang Chinese national na sangkot sa pang-eespiya.

Ayon kay Hontiveros, habang patuloy na nagpapabalik-balik ang monster ship ng China sa West Philippine Sea, dapat matiyak ng pamahalaan na hindi natin hahayaan na napapalibutan na tayo ng mga espiya.

Sinabi ng senador na matagal na niyang sinasabi na posibleng may Chinese spies sa bansa lalo na noong nagkaroon ng Visa Upon Arrival scheme sa Bureau of Immigration na nagresulta sa Pastillas scam.

Napakarami anyang Chinese nationals na nakapasok sa bansa nang hindi dumadaan sa kaukulang pagsusuri ng BI.

Sa imbestigasyon naman ng Senado ukol sa POGO, binansagan si Alice Guo ng National Intelligence Coordinating Agency o NICA bilang agent of influence.

Sa kabilang dako, kumpiyansa si Hontiveros na may ginagawang hakbang ang Department of National Defense at mga kaukulang ahensya ng gobyerno laban sa mga dayuhang posibleng mga espiya.

Mahalaga anyang seryosohin ang usaping ito para sa kapakanan ng pambansang seguridad, pambansang interes at ating soberanya.

Kaugnay nito, nakakuha ang Bureau of Immigration (BI) ng mga detalye ng umano’y Chinese spy na sangkot sa pagmamanman sa military at police bases kasama ang EDCA sites.

Ito, ayon kay BI Commissioner Joel Viado ay matapos ang beripikasyon sa 39-anyos na suspek na labas-masok sa bansa mula 2015 at may asawang Pilipina.

Ang impormasyon ay ibinahagi ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) upang suportahan ang imbestigasyon.

Ayon kay Viado, kanila ring sisiyasatin ang mga posibleng kasabwat ng suspek.

Sa ngayon, ipagpapaliban ang deportasyon sa Chinese spy bagamat sisimulan na ang proseso dahil hindi pa natutugunan ang lokal na mga pananagutan nito. (DANG SAMSON-GARCIA/JOCELYN DOMENDEN)

55

Related posts

Leave a Comment