PINURI ng mga tagasuporta ng pamilya Duterte ang pagtanggal kay Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co bilang pinuno ng House Committee on Appropriations at sinabing ‘karma’ umano ang nangyaring ito sa kanya dahil sa mga tirada ng mambabatas laban kay Vice President Sara Duterte.
Inalis si Co bilang chairperson ng committee on appropriations noong Enero 13 matapos ang mosyon ni Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na ideklarang bakante na ang puwesto.
Agad naman itong inaprubahan ni House Speaker Martin Romualdez.
Sa parehong araw, naglabas naman
ng pahayag si Co na nagsasabing nagbitiw siya sa puwesto dahil sa health concern, na ayon sa mga netizens ay paraan niya para ‘iligtas ang sarili’ sa kahihiyan dahil sa mga kontrobersiya sa Pambansang badyet kamakailan.
Kilala si Co bilang kritiko ni Duterte. Nagkaroon ng ‘word war’ ang dalawa dahil sa kanyang pambabatikos sa confidential fund ng opisina ni Duterte, kung saan hinamon ng mamababatas ang bise presidente na ibalik ang umano’y ibinulsang pondo.
“Sunod-sunod na ang karma at pagkawatak-watak ng mga buwaya sa kongreso; malapit na ang katapusan ninyo,” komento ng isang netizen sa social media.
Pinuri ng ilang netizens ang pagkakatanggal ni Co sa puwesto, at sinabing matagal na itong tapos dahil sa umano’y mga anomalya sa pagpasa ng 2025 national budget.
Nag-veto ng P194 bilyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng mga line item na itinuring niyang hindi alinsunod sa kanilang programmed priorities nang pirmahan niya ang national budget noong nakaraang taon.
Sinabi rin ng ibang netizens na panahon na rin para imbestigahan si Co tulad ng ginawa niya kay Duterte dahil sa umano’y naugnay siya sa iba pang malalaking iskandalo sa katiwalian, kabilang ang kaso ng Pharmally.
“Magtatago na habang may pagkakataon pa… Hahaha… pwede nang imbestigahan ang mga flood control project na connected kay Zaldy Co ang nakakuha ng [kontrata],” ayon pa sa isang netizen.
