NILINAW ng Department of Education na hindi saklaw ng kanilang Comprehensive Sexuality Education o CSE sa ilalim ng Department Order 31 ang pagtuturo ng masturbation sa zero to 4 years old.
Sa pagdinig ng Senate committee on basic education kaugnay sa problema ng teenage pregnancies sa bansa, binigyang-diin ni Deped Assistant Secretary Dexter Galban na nag-uumpisa ang basic education sa mga limang taong gulang pataas.
Binigyang-diin ni Galban na ang tanging saklaw nila ay ang school premises at hindi naman sila pumapasok sa mga tahanan kaya’t imposibleng ituro nila ang sinasabing masturbation sa murang edad at wala ito sa curriculum.
Iginiit din ng DepEd na ang pinakamaagang edad na nabanggit sa curriculum kaugnay sa usapin ng sexuality ay Grade 2.
Nilinaw rin ng ahensya na isinasama ang naturang usapin sa Basic Science Concepts at iba pang subjects tulad ng Edukasyon sa Pagpapakatao o ESP at sa Music, Arts, Physical Education and Health o MAPEH.
Inamin naman ng DepEd na bukod sa curriculum, tinututukan din nila ang promosyon ng Adolescence Reproductive Health sa tamang edad at ito ay itinuturo sa pakikipag-ugnayan sa health personnel mula sa Department of Health. (DANG SAMSON-GARCIA)
24