PASAY LGU OFFICIALS SANGKOT SA ‘GUERILLA OPERATION’ NG POGO?

(TRACY CABRERA)

INTRAMUROS, Maynila — Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng pananagutan ng lokal na pamahalaan ng Pasay City at ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), maaaring makasuhan ang mga opisyal ng lungsod kapag may kapabayaan o pagkakasangkot sila sa patuloy na ‘guerilla’ operation ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pasay.

Itinanggi man ito ng mga konsehal ng local government unit (LGU) at maging ng alkalde na si Mayor Imelda’ Emi’ Calixto-Rubiano, may hinalang may kasabwat ang mga POGO sa kanila upang maglakas-loob na ipilit ang kanilang iligal na operasyon sa kabila ng mahigpit na kautusan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ipasara na ang lahat ng mga POGO sa buong bansa.

May mga ulat na ginagamit ng mga ‘gerilyang’ POGO ang ilang legal na establishment, tulad ng mga business process outsourcing firm (BPO) at maging mga hotel, restawran at kahalintulad na establisimyento, bilang front ng kanilang mga scamming activity.

Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, kasama nila sa imbestigasyon ng Pasay LGU ang Department of Justice (DoJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa mga pagsalakay sa SA Rivendell sa P. Zamora Street, Zun Yuan Technology sa panulukan ng F.B. Harrison at William streets, Kimberhi Technology at ang pinakahuling maliit na offshore gaming hub sa basement ng Heritage Hotel, na pawang matatagpuan sa Pasay City.

Nilinaw ni Casio na ang pangunahing sinisilip ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng pag-iisyu ng mayor’s permit at business permit sa mga ito.

Isa rin sa binubuong kaso ang criminal liability ng Heritage Hotel, sa pagkukubli ng iligal na offshore gaming, kung saan 14 na Pinoy at 6 na Korean national ang nadakip.

‘No To Connecting Flights’

Samantala, hiniling ng PAOCC sa Bureau of Immigration na pigilan ang mga manggagawa ng gaming operators na lisanin ang bansa sa pamamagitan ng connecting flights.

Ang katwiran ng PAOCC, may ilang tumatakas sa proseso ng deportasyon.

Sinabi ni PAOCC Spokesperson Winston Casio, hindi sila papayag na magkaroon pa ng transit flights mula Pilipinas.

“Pinagbigay alam namin ‘yan sa Immigration. Yung ibang Chinese matatalino, kumukuha ng ticket for deportation. Manila-Kuala Lumpur, Manila-Macau-Shanghai. Pagdating ng Macau, pagdating ng Kuala Lumpur, hindi na pumapasok sa connecting flight pauwi sa China. Bawal yun. As far as China is concerned, ang kailangan ay direct flight,” ang sinabi ni Casio.

Ang gobyerno aniya ng Tsina ay mayroong extraterritorial provision na nagsasaad na ang kanilang mamamayan ay makagagawa rin ng kahalintulad na krimen at daranas ng consequences kahit pa nakagawa sila ng krimen ng pagsusugal sa labas ng kanilang bansa.

Nauna rito, sinabi ng PAOCC na gumasta ito ng P210 milyong piso sa nakalipas na dalawang taon para sa detensyon ng mga manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators na inaresto mula nang magsimula ang paglansag dito (POGO) noong 2023.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

12

Related posts

Leave a Comment