TIPS SA PAGHAHANDA SA PASUKAN

PASUKAN

(Ni ANN ESTERNON)

DAHIL sa hindi maawat o hindi na magbabagong presyo ng bilihan ay kailangan talagang mas dobleng pagtitipid pa ang gawin para makahinga kahit papaano sa mga gastusin ng bawat pamilyang Pinoy sa araw-araw.

Dahil nalalapit na ang pasukan ng mga bata sa kani-kanilang mga eskuwelahan ay makabubuting magkaroon na mga paghahanda para rito partikular sa mga ilaw ng tahanan.

Ito ang ilang tips para makatipid sa paparating na pasukan:

RECYCLING

Mga libro

Kung may pinaglumaan o gamit nang mga libro (o ang tinatawag na textbooks) ang mga panganay na anak na puwede pang pakinabangan ng mga sumunod nilang kapatid ay gawin ito.

Maaari rin namang manghiram muna o bilhin sa murang halaga ang mga libro mula sa mga kakilala para magamit sa eskuwela.

Sa mga libro o kaya ay mga magazine na hindi na magagamit pa ng pamilya ay maaaring ibenta ang mga ito para makalikom ng pera upang ipambili pa ng ibang school items.

Notebooks

May nalalabi pang panahon para ipunin ang mga notebooks na nagamit na noong nakaraang school year. Ang ibang bahagi ng mga papel na wala pang sulat mula sa mga notebook na metal spring ay maaring kolektahin at pagsama-samahin saka muling pagkabit-kabitin gamit ang yarn o makapalad na sinulid.

Maaari rin namang manghingi ng iba nito mula sa mga kaibigan o kakilala. Mahal din naman kasi kung bibili pa ng mga bagong notebooks. Kung kayang magtipid sa paraang ito ay makakabuti para sa budget ng pamilya.

Uniforms

Ikonsidera ang paggamit ng used uniforms mula sa nakakatandang kapatid, kamag-anak o ang paghingi, pagbili sa murang halaga mula sa mga kaibigan o kakilala.

Kung wala namang pagpipilian kung hindi ang bumili talaga ng bagong uniform ay makabubuting habaan na ang sukat at magkaroon kahit tatlong piraso nito para magamit ng inyong mga anak.

Mas maiging bumili ng mga ito sa mga pampublikong pamilihan kaysa ang magpunta pa sa department stores mula sa malls. Kung mas mahal ang mga nabibiling damit ay maaari ring ikonsidera ang magpasadya na lamang o magpatahi nito. Pumili lamang ng magandang tela para at maayos na mananahi upang magkaroon pa rin ng kalidad ang uniporme para tumagal ang paggamit nito.

Mga sapatos

Kung okay pa naman ang mga sapatos na nagamit noong nakaraang school ay huwag mahiyang ipagamit muli ito sa darating na pasukan. Kung may sira ay ipatahi na lamang para makapasok pa rin ang mga bata. Ugaliin ding linisan ito upang magamit pa sa mahabang panahon.

Kung nakaliitan na ito ay maaaring ipagbili o ipagamit sa iba upang hindi masayang.

Iba pang school supplies

Ang mga lapis at iba pang panulat, crayons na puwede pang gamitin ay ihanda na.

Kung bibili ng mga kakailanganin sa pasukan ng mga bata ay mas maiging bumili ng maramihan kung kakayanin ng inyong mga budget. Bumili ng mga ito tulad sa Divisoria, Baclaran o sa iba pang bilihan na bagsak presyo ang mga paninda.

Paghahanda sa mga pagkain

Sa mga kakainin at babauning mga pagkain ng mga bata ay dapat nakaayos na ang mga ito o nakaplano na. At ang pagpaplano ay dapat na naka-laan para sa isang linggo para hindi na makabawas na sa iisipin ng mga nanay.

Siguraduhin lamang na masusustansiya pa ring pagkain ang ihahanda sa kanila lalo na ang mga gulay o isda.

Paghahanda pa sa mga gagamitin

Ngayon pa lamang ay tsekin na ang mga gagamiting sapatos, uniporme at iba pa kung ang mga ito ay may sira o kailangang pang ipaayos.

Sukatin ang ilan sa mga ito kung kasya pa sa inyong mga anak, upang magawan agad ng paraan kung kakailanganin hinggil sa tamang sukat, haba at iba pa.

Ilabas na rin ang mga bag na gagamitin at labhan o linisan na ang mga ito kung maaari.

Paghahanda sa mga bata

May ilang linggo pa bago magsimula ang mga klase sa mga paaralan. Ngayon pa lamang ay sanayin na ang mga bata na matulog nang maaga at magising nang maaga para hindi na pahirapan pa sa mismong araw ng klase.

Turuan na rin ang mga bata sa mga dapat nilang gawin sa pagpeprepara ng kanilang mga gamit sa eskuwela.

Ikonsidera rin ang makakamurang pagkuha ng school service ng mga bata at piliin na lamang ang ibang opsyon na matipid tulad ng tricycle.

634

Related posts

Leave a Comment