Nganga kay Bonoan? MARCOS ‘SINUBUAN’ NG MALING IMPORMASYON

BINEBERIPIKA na ng Malacañang ang pahayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na umano’y niloko ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng flood control projects.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi pa makapaglalabas ng detalye ang Palasyo hangga’t hindi pa lubusang napatutunayan ang mga pahayag ng senador.

“Sa ngayon po bine-verify pa rin po ang nasabi po ni Senator Lacson kaya hindi pa po tayo makakapagbigay ng detalye at kailangan po naming ma-verify lahat po ito,” ani Castro sa press briefing sa Malacañang.

Nauna nang sinabi ni Lacson na sinadyang baguhin umano ni Bonoan ang grid coordinates ng flood control projects na inilagay sa ‘Sumbong sa Pangulo’ website, na nagresulta sa maling impormasyong naisumite sa Pangulo.

Ayon sa senador, bloated ang datos na ibinigay dahil mas mababa umano sa 421 ang aktuwal na bilang ng ghost flood control projects.

Dagdag ni Lacson, inaayos na ng DPWH ang naturang impormasyon at nakipag-usap na siya kay DPWH Secretary Vince Dizon, na umano’y magpapadala ng dalawang undersecretary upang magtestigo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sinabi rin ng senador na nasa United States sa kasalukuyan si Bonoan at alam ito ng mga awtoridad. Kung kakailanganin aniya ang pag-isyu ng warrant of arrest, maaaring humingi ng tulong ang Senado sa kinauukulang ahensya.

Samantala, kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na hindi pa bumabalik sa Pilipinas si Bonoan, sa kabila ng nauna nitong pahayag na uuwi siya noong Disyembre 17, 2025.

Umalis ng bansa si Bonoan noong Nobyembre 11 at lumipad patungong Estados Unidos, umano’y upang samahan ang asawa na magpapagamot. Siya ay nasa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO).

(CHRISTIAN DALE)

4

Related posts

Leave a Comment