TILA na-wow mali si National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairman Rafael Vicente Calinisan sa isinampa nitong reklamo laban kay retired PNP Health Service Chief Brig. Gen. Jezebel Imelda Medina kaugnay ng umano’y pagsusuot nito ng mamahaling sapatos.
Matatandaang kinasuhan ni Calinisan si Medina ng less grave neglect of duty at conduct unbecoming of a police officer dahil umano sa pagsusuot ng sapatos na nagkakahalaga ng P70,599.00.
Gayunman, kumakalat ngayon sa Camp Crame ang mga dokumento at resibo na nagpapakitang hindi umabot sa naturang halaga ang presyo ng nasabing sapatos. Batay sa mga papeles, nagkakahalaga lamang ito ng $33.96 o mahigit P2,000 at nabili mula sa isang online shop.
Ipinapahiwatig ng naturang ebidensya na peke ang sapatos na suot ng retiradong heneral, na naglingkod ng 34 na taon sa Philippine National Police (PNP) at kauna-unahang Igorot na naging Police General.
Nagretiro si Medina noong Disyembre 25, 2025, subalit dalawang araw bago ito, noong Disyembre 23, ay isinampa na ng NAPOLCOM ang reklamo laban sa kanya.
Mas Matibay na Pagdidisiplina
Samantala, plano ni Senate President Pro-Tempore Panfilo “Ping” Lacson na maghain ng panukalang batas na magpapalakas sa kapangyarihan ng Philippine National Police laban sa mga tiwaling opisyal at tauhang sangkot sa kriminalidad.
Ito ay bunsod ng sunod-sunod na insidente ng krimen na kinasasangkutan ng ilang pulis sa bansa. Sa panukala ni Lacson, layon niyang bigyan ng mas matibay na kapangyarihan at gawing independent ang Internal Affairs Service (IAS) na kasalukuyang nasa ilalim ng PNP.
Kasabay nito, hinikayat ng senador ang pamunuan ng PNP na maging huwaran sa disiplina. Ayon kay Lacson, kung ang Chief PNP ay hindi sangkot sa pangingikil o krimen, magkakaroon ito ng moral authority upang disiplinahin at pangunahan ang kanyang mga tauhan.
Tiwala rin ang senador na makikipagtulungan si PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. kay Interior Secretary Jonvic Remulla sa pagdidisiplina sa mga pulis na tinawag niyang “ICU” — mga inept, corrupt, at undisciplined na tauhan ng kapulisan.
(TOTO NABAJA/DANG SAMSON-GARCIA)
2
