NAKIPAG-UGNAYAN ang Commission on Elections (Comelec) kay Manila City Councilor bet Margaux “Mocha” Uson dahil sa kanyang ‘sexually suggestive’ campaign jingle.
Sa isang liham kay Uson na nilagdaan ni Comelec George Garcia, sinabi ng poll body na bagama’t ang mga political campaign ay kadalasang naglalayong makuha ang atensyon at hikayatin ang mga botante, dapat matutumbok ang mga mensahe nang direkta sa punto.
Ang tinutukoy ng Comelec na campaign jingle ni Uson ay ang “Cookie ni Mocha, ang sarap sarap” at “Ang cookie ni Mocha, bawat kagat, may malasakit at saya.”
Ayon sa Comelec, ang mga ‘sexually suggestive’ campaign jingle ay maaaring makabawas sa mga seryosong talakayan na kailangan gawin tungkol sa patakaran, pamamahala at kinabukasan ng mga komunidad.
Samantala, nilinaw ng Comelec na hindi nito hinahamak ang plataporma ng kampanya ni Uson ngunit hinikayat na magkaroon ng naaangkop sa edad na jingle.
(JOCELYN DOMENDEN)
