Kasama sa pagpipilian na susunod na Santo Papa CARDINAL TAGLE IKAW NA BA?

IKINATUWA ng maraming Pilipino ang balitang isa si Filipino Cardinal Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga pagpipilian para maging susunod na Santo Papa ng simbahang Katolika.

Ang 67-anyos na cardinal mula sa Pilipinas ay isa umano sa mga itinuturing na “papabili” o posibleng maging bagong pope kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis nitong Lunes, Abril 21.

Sa panayam ng GMA News kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) director for broadcast Fr. Francis Lucas, sinabi nito na maaaring manalo si Tagle bilang susunod na pope, ngunit ang Espiritu Santo pa rin ang magdedesisyon.

Bukod kay Tagle, kasama sa mga posibleng pagpilian at itinuturing na “strong contenders” sina Cardinal Pietro Parolin (Italy), Cardinal Peter Turkson (Ghana), Cardinal Péter Erdő (Hungary), at Cardinal Mario Grech (Malta).

Upang makahalal ng bagong Santo Papa, inaasahang isasagawa ang “conclave” kung saan isusulat ng 240 cardinal sa buong mundo ang pangalan ng kani-kanilang iboboto sa isang papel at saka nila ito tutupiin ng dalawang beses bago isilid sa isang lalagyan.

Susunugin naman ang mga balota pagkatapos ng bawat pagboto.

Kapag itim ang usok na lumabas, ibig sabihin ay wala pang napipiling susunod na Santo Papa, ngunit kapag puti ang usok, nangangahulugan itong mayroon nang bagong papa.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

31

Related posts

Leave a Comment