NAPIGILAN ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang posibleng kaguluhan bunsod ng tensyon sa pagitan ng mga residente at ng demolition team sa Jose Abad Santos Avenue sakop ng Barangay 227, Zone 21, Tondo, Manila noong Huwebes ng hapon.
Agad nagresponde sa insidente dakong alas-2:20 ng hapon ang mga awtoridad sa pangunguna ni Police Major Honey Hanziel Jose, OIC Ground Commander ng Jose Abad Santos Police Station 7, katuwang si Police Captain Ryan Jay Balagtas, team leader, at Police Major Dino Venturina, team leader ng District Mobile Force Battalion (MFB).
Wala namang nasaktan sa pagitan ng mga residente at ng demolition team ng Manila City Hall makaraang mapahupa ang tensyon nang
magresponde ang mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Anthony Coyle Olgado, station commander.
Ayon sa ulat ni Police Major Philipp Ines, hepe ng Public Information Office (PIO) ng MPD, tinatayang 20 pamilya ang apektado ng demolisyon sa nasabing lugar.
Samantala, pinasalamatan at pinuri ni MPD District Director, Police Brigadier General Bonifacio Guzman, ang buong team sa mabilis nilang pagkilos upang maiwasan ang sakitan sa pagitan ng dalawang panig sa demolisyong isinagawa sa nabanggit na lugar.
(RENE CRISOSTOMO)
