MAY TATLONG milyong mag-aaral ang nangangailangan ng tulong dahil sa ‘learning gaps’.
Ito ay base sa naging assessment ng Department of Education (DepEd) matapos matuklasan ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may 5.58 milyong high school graduates ang “functionally illiterate” o mayroong problema sa ‘comprehension at understanding.’
“Mayroon pong expected na dapat matutunan ng mga bata. [Kung] hindi po nila inabot yung expectation na ‘yon, may gap po sa pagkatuto… Marami pong problema, marami pong factors kung bakit nangyayari yan, kaya dapat po talagang pagtulungan ng teacher [at] ng magulang para maitawid yung mga bata, maabot nila yung kaalaman [at] mga skills na dapat matutunan nila,” ang sinabi ni DepEd Undersecretary Gina Gonong.
“Malayo-layo po, mahaba-haba pa yung kailangan namin lakbayin para po matulungan ang mga bata,” dagdag na wika nito.
Ang Academic Recovery and Learning (ARAL) Program ng DepEd ay naglalayon na tugunan ang ‘learning gaps’ na dahilan ng kahirapan sa pag-aaral at pag-unawa.
Ang programa ay ipinag-uutos ng Republic Act 12028, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong October 2024.
“Ngayong pasukan po ipapatupad natin yung [ARAL program]… Covered po ng ARAL program ang reading and math for Grades 1 to 10, at tsaka science po for Grades 3 to 10,” ang sinabi ni Gonong.
Sa ilalim ng ARAL program, ang mga bata ay sumailalim sa assessments para alamin ang pangangailangan para sa tutorials at karagdagang mga programa sa pag-aaral sa labas ng silid-aralan.
Ang tutorials na gagawin nang hindi hihigit sa isang oras kada isang araw o hindi hihigit sa dalawang oras bawat araw para sa weekend programs ay gagawin ng iba’t ibang mga guro.
(CHRISTIAN DALE)
