Tagumpay ng taumbayan ang P153.93 at P2,197.94 na dagdag pa na voluntary bill rebate mula sa Manila Water, ngunit sa tingin ng Bayan Muna at sa tagapangulo nito na si Neri Colmenares, hindi ito sapat.
Bagama’t tinitingnan natin bilang positibong pangyayaring ito matapos maghain ang Bayan Muna at iba pang grupo ng reklamo laban sa Manila Water, kailangan ay mas maraming konsumer na apektado ng water interruption ang mabigyan ng kompensas¬yon.
Nararapat na lahat ng apektado ng kawalan ng tubig ay mabigyan ng makatarungang kompensa¬syon!
Dapat hindi lamang ang mga kabahayan na anim na araw at mahigit na nawalan ng tubig ang bibigyang kompensasyon. Napakarami nating kababayan ang labis na naapektuhan ng pagkawala ng tubig, at hindi makakatanggap ng rebate dahil hindi umabot sa anim na araw ang interruption. Ngunit, alam nating lahat na isang araw lamang na mawalan ng tubig ay labis na ang epekto nito. Dagdag-gastos sa pagbili ng tubig at ng pang-igib, transportasyon nito, at iba pang abala at pahirap. Kailangan ding magka-roon ng mga public consultations upang lubos na maunawaan ng Manila Water at ng pamahalaan ang naging epekto ng water interruption sa taumbayan, at para marinig ng mamamayan ang paliwanag ng mga namumuno sa Manila Water, at gayundin ang sagot ng ating pamahalaan sa isyung ito. Talagang hindi sasapat ang rebate sa pahirap na nangyari sa napakaraming tao sa panahong nawalan ng tubig ang maraming kabahayan sa Metro Manila at sa mga karatig na bayan.
Malaking usapin pa rin ang tubig sa kasalukuyan, dahil hanggang ngayon ay maraming lugar pa rin ang walang tubig ng 24 oras sa isang araw.
Ganito talaga ang magiging palagiang suliranin ng isang bayan na iniasa sa pribadong sektor ang mga batayang serbisyo tulad ng tubig at kuryente. Wala silang lubos na pananagutan sa taumbayan!
Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
121