21K PULIS ITATALAGA SA IKA-4 SONA NI PBBM

TIYAK na magmimistulang military garrison ang paligid ng Batasang Pambansa Complex kaugnay sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong buwan ng Hulyo, sa dami ng mga pulis at sundalong itatalaga para mangalaga sa kaayusan at seguridad ng publiko at ng mga dadalo sa SONA ng presidente.

Ayon sa PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO), magtatalaga sila ng hindi bababa sa 21,000 pulis sa araw ng SONA ng Pangulo na huhugutin mula sa iba’t ibang distrito ng Kalakhang Maynila.

Hindi pa umano kasama rito ang contingent o augmentation force na ilalaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP) na posibleng italaga bilang augmentation support, rapid deployment o civil disturbance management.

Maaga pa lamang ay pinasimulan na ni PNP chief, General Nicolas Torre III ang paglalatag ng security blanket kaugnay sa ika-apat na SONA ng pangulo.

Sa isang pulong balitaan sa Kampo Crame, inihayag ni Gen. Torre na mayroon nang mga inisyal na dayalogo sa pagitan ng Pambansang Pulisya at ng iba pang security agencies ng gobyerno kabilang na ang Office of the Sergeant-at-Arms ng Kamara de Representantes, para pag-aralan gagawing security preparation para sa gaganaping SONA.

Nabatid na bukod sa puwersang ikakalat ng PNP-NCRPO ay posibleng humugot pa ng karagdagang pwersa ang pulisya sa iba’t ibang himpilan mula sa mga kalapit lalawigan.

Ayon kay Torre, prayoridad nila sa araw na iyon ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko at maging ng mga dadalo kaya layunin nilang tiyakin na magiging maayos ang latag ng seguridad sa Batasang Pambansa kung saan gaganapin ang ikaapat na SONA ng Pangulo.

Sinasabing kahit sa mga nagdaang SONA, marami pa ring isyu na kahaharapin ang mga pulis kahit pa sila ay may sinusundang template para sa naturang event.

Bunsod ito ng nakaambang mga kilos protesta, demonstrasyon mula sa mga pro-government at maging ng mga anti-government at posibleng makadagdag pa rito ang kasalukuyang political issues na maaaring painitin ng usaping impeachment trial kay Vice President Sara Duterte na posibleng makaapekto sa daloy ng magiging programa sa araw na iyon.

Bunsod nito, pinaigting din ng AFP at PNP ang kanilang intelligence network para matukoy o ma-validate ang mga posibleng security threat kaugnay sa gaganaping SONA.

Tiniyak naman ni Torre na ang mga ganitong klase ng sitwasyon ay patuloy na nilang mino-monitor, inaantabayan at kasama rin sa kanilang paghahanda.

(JESSE KABEL RUIZ)

40

Related posts

Leave a Comment