PULIS PATAY, 1 KRITIKAL; SUSPEK PATAY RIN SA BARILAN SA PRESINTO

CAVITE – Patay ang isang pulis habang kritikal ang isa pa nang barilin ng suspek na kalalabas lang mula sa Iwahig Prison and Penal Farm, ngunit napatay rin, matapos nitong agawin ang service firearm ng isa sa mga biktima sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Carmona nitong Miyerkoles ng umaga.

Kapwa isinugod sa ospital ang mga biktimang sina PMSg. Joel Mendoza at PSSgt. Joseph Martin Fabula, kapwa nakatalaga sa Carmona Component City Police Station, dahil sa mga tama ng bala sa katawan subalit nalagutan ng hininga si Mendoza

Namatay rin ang suspek na kinilalang si alyas “Oliver”, 29, tubong Basilan.

Ayon sa ulat, inaresto umano ang suspek sa kasong trespassing at dinala sa Carmona Component City Police Station bandang alas-9:20 kahapon ng umaga.

Ngunit pagdating sa presinto, sa hindi nabatid na dahilan ay tumanggi umano ang complainant na magsampa ng kaso laban sa suspek.

Subalit bigla umanong inagaw ng suspek ang baril ni Mendoza kaya nagpambuno ang dalawa at nagresulta sa pagkakabaril sa pulis at tinamaan din si Fabula. May tatlong tama rin ng bala ang nasabing suspek.

Wala pang malinaw na detalye kung bakit nang-agaw ng baril ang suspek na kalalalaya pa lamang mula sa Iwahig Prison and Penal Farm noong Hunyo 28.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

(SIGFRED ADSUARA)

155

Related posts

Leave a Comment