HINDI isinusuko ng mga militanteng mambabatas sa Kamara de Representantes ang kanilang krusada na tapusin ang political dynasties sa Pilipinas bagama’t mahigit dalawang dekada na itong ipinaglalaban.
Noong Lunes ay muling inihain nina ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio at Kabataan party-list Rep. Renee Co ang House Bill (HB) 209 o “The Anti-Political Dynasty Act” na unang ipinaglaban na panukala ng mga miyembro ng Bayan Muna party-list noong 2001.
“Bayan Muna party-list first filed a House Bill prohibiting political dynasties in 2001. Similar measures filed by the Makabayan bloc in the succeeding Congresses were repeatedly ignored by the chamber. It is high time that we pass a bill of great importances mandated by our Constitution,” paliwanag nina Tinio at Co.
Ayon sa dalawang mambabatas, kailangan na ang nasabing batas dahil noong nakaraang 2025 mid-term election, dinomina umano ito ng mga political dynasty at patunay ang ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) kung saan 18 “obese political dynasties” na may 5 pataas na miyembro ng pamilya na aktibo sa pulitika ang nanalo noong nakaraang eleksyon.
Patuloy rin umanong dumarami ang political family sa bansa dahil maging ang mga baguhan ay nagtatayo ng dinastiya kapag sila ay nanalo bagama’t ipinagbabawal ito ng Saligang Batas.
“Once a politician is elected to public office, he or she immediately builds a strong political base to ensure not only his or her re-election but also that such electoral support will extend to one’s spouse or descendants or next of kin,” ayon pa sa panukala.
Matapos ito, sabay na sabay na tumatakbo sa iba’t ibang posisyon ang pamilya at kaanak ng isang pulitiko hanggang sa magkaroon ang mga ito ng dynasty kaya parami ng parami ang mga ito.
Patunay aniya ito sa report ng United Nation Development Programme na isinulat ni Prof. Temario Rivera na sa 77 probinsya sa Pilipinas na isinama sa pag-aaral, 72 dito o 94% ang may political families.
Kapag naging batas ay isa sa bawat pamilya na lamang ang pwedeng tumakbo sa anomang posisyon.
(BERNARD TAGUINOD)
