CONG. LENLEN ORETA NANUMPA KAY SEN. BAM AQUINO BILANG KINATAWAN NG MALABON

PORMAL nang nanumpa bilang kinatawan ng Lone District ng Malabon si Congressman Antolin “Lenlen” Oreta bilang bahagi ng 20th Congress nitong Hulyo 5.

Nanumpa si Oreta kay Senador Bam Aquino na kilalang nagsusulong ng mga programa sa edukasyon at kabataan.

Bukod kay Aquino ay sinaksihan din ng mga kapamilya, kaibigan, tagasuporta at local officials ang panunumpa ni Oreta.

Tiniyak ni Oreta na kanyang pag-iibayuhin ang pagbibigay ng serbisyo publiko at pagpapalago ng mga komunidad sa Malabon.

Bukod kay Oreta, nanumpa rin sina Councilor Enzo Oreta at Councilor Sonia Lim na makakatuwang din ng kongresista sa paglilingkod para matiyak na maihatid ang tamang serbisyo para sa mga taga-Malabon at matiyak ang pagiging progresibo ng Malabon.

Bago pa man nahalal na Kongresista si Oreta ay napatunayan niya ang paglilingkod sa kapwa lalo sa mga taga Malabon matapos niyang matapos ang kanyang tatlong termino nang mahalal siyang Punong Lungsod ng Malabon at sa ilalim ng kanyang liderato ay humakot ito ng iba’t ibang parangal katulad ng paglulunsad ng Karinderia para sa Kalusugan ni Chikiting (KKC), isang community-based feeding at education program upang lalo pang pagandahin at mapangalagaan ang kalusugan ng bawat bata sa Malabon.

Nais isulong ni Oreta sa kanyang pag-upo sa Kongreso ang tinatawag na POGI Solutions, pagtitiyak na magkaroon ng legasiya at pagtutok sa Pagkain at Nutrisyon, Oportunidad, Ginhawa ng Pamilya, at Imprastraktura na siyang sesentro upang lalong itaas ang antas ng pamumuhay ng kanyang mga nasasakupan.

“This new chapter is both a return and a renewal. I’m honored to once again serve Malabon—this time bringing our local voices to the national stage. We’ll continue working to ensure that every family feels the presence and compassion of government,” ani Oreta sa kanyang inaugural speech.

Sa seremonyang ito ay nagpapatunay na ganap nang sinisimulan ni Congressman Oreta ang kanyang unang termino bilang miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso at katuwang siya ng iba pang mga mambabatas sa pagbuo o pagbalangkas ng mga polisiya at panukalang batas na makatutulong sa pamumuhay ng bawat Malabon at higit sa lahat ng buong bansa at buong sambayanang Pilipino.

28

Related posts

Leave a Comment