GINAMIT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paggunita sa National Heroes’ Day upang manawagan laban sa korupsyon.
Idineklara ng Pangulo na ang anomalya at pang-aabuso sa kapangyarihan ay ‘modern-day threats” na nagnanakaw sa kalusugan, pangarap at kinabukasan ng susunod na henerasyon ng Pilipino.
“Hindi lamang salapi ang kanilang ninanakaw, kundi pati ang kalusugan, pangarap, at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon na Pilipino,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa Libingan ng mga Bayani.
Ani Pangulong Marcos, ang pagkilala sa sakripisyo ng mga ‘bayani ng bansa’ ay nangangailangan ng pagharap sa mga hamon sa parehong tapang na minsan nilang ipinakita.
Nagbabala ang Pangulo na ang hayaang magpatuloy ang katiwalian ay isang pagkakanulo hindi lamang sa mga nakaraang henerasyon na nakipaglaban para sa kalayaan kundi para sa mga kabataan na nakataya ang kinabukasan.
“Pananagutin namin ang lahat ng sangkot sa anomalya at katiwalian. Ilalabas natin ang buo at pawang katotohanan. At titiyakin nating hindi na mauulit ang kawalan ng respeto at malasakit sa taumbayan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Hinikayat naman nito ang mga Pilipino na huwag kunsintihin ang “maliliit na panlilinlang,” nagbabala na ang mga “unchecked lies and abuses erode society bit by bit until the damage becomes irreversible.”
Ang pahayag ay nag-ugat sa gabundok na pagbira ng publiko ukol sa kwestyonableng flood-control projects sa mga lalawigan ng Bulacan at Benguet — sa kahabaan ng Kennon Road, kung saan aniya ay may ilang bagong tayong istraktura na nagpalala sa pagbaha sa halip na pagaanin ito habang ang iba naman ay lumalabas na “ghost” projects.
Makailang ulit namang nagbabala si Pangulong Marcos sa mga kontratista na mananagot ang mga ito.
Ang kampanya ng Pangulo na pormal na ilunsad ang Sumbong sa Pangulo website noong Aug. 11, isang citizen-reporting platform ay naglalayon na punahin at isumbong ang corruption-tainted infrastructure.
Sa kabilang dako, pinaalalahanan ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na ang pakikipaglaban sa korupsyon ay hindi lamang niya laban mag-isa.
“Bilang Pilipino, may pananagutan tayo sa ating bansa na maging mas mapanuri sa mga mali, na isiwalat ang panloloko, at panindigan ang alam nating tama, kahit hindi ito madali,” anito.
(CHRISTIAN DALE)
