Ipinoporma ng lawyers’ group’CLASS SUIT’ VS GOV’TOFFICIALS, CONTRACTORSSA FC ANOMALIES

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

KAILANGANG mapanagot, kontraktor man o opisyal ng pamahalaan sa pinsalang dulot sa mga motorista at mananakay ng anomalya sa flood control projects.

Ito ang binigyang-diin ng Lawyers and Commuters Safety and Protection (LCSP) kaugnay ng kontrobersyal at maanomalyang mga proyekto na sinisisi sa matinding pagbaha sa maraming lugar sa bansa.

Sa kanilang Facebook page, sinabi ng grupo na dama ng mga motorista at commuters ang epekto ng malawakang korupsyon.

Habang kumikita anila ang mga tiwaling opisyal at kontraktor ay perwisyo naman ang kapalit sa mga mananakay at biyahero.

“At kapag may matinding baha ay damang-dama ng mga motorista at commuters ang epekto nito.

Kapag baha lalong tumitindi ang trapik. Maraming sasakyan na inabutan ng baha sa kalsada, ito ay nasisira kaya’t gastos na katakot-takot sa mga motorista at kapag nawala ang baha ay sira-sira naman ang mga kalsada at gapalangganang mga butas naman ang dadaanan kahit wala nang baha.

Kalbaryo rin sa mga commuter kapag baha. Napakahirap sumakay. Stranded ang karamihan at maaari pang magkasakit ng leptospirosis pag minalas-malas pa,” post pa ng grupo sa Facebook.

Dahil dito ay pinag-aaralan na umano ng LCSP kung paano magdemanda ng “class suit” laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects upang mabigyan ng hustisya ang kahirapan, abala, at perwisyo sa mga motorista at mananakay dulot nito.

‘Sinisira ang Lipunan’

Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na dapat palakasin ang laban ng bansa kontra korupsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan para protektahan ang kinabukasan ng bansa, habang pinaiigting ng kanyang administrasyon ang paglansag sa maanomalyang flood control projects.

Sa kanyang talumpati sa paggunita ng National Heroes’ Day ngayong taon, sinabi ng Chief Executive na dapat na hindi lamang nakatuon ang pansin ng bansa sa pagpapalakas ng defense mechanisms para protektahan ang bansa.

“May ilan sa atin na mas pinipili ang sariling interes at kapakanan kaysa sa bayan at sa kapwa Pilipino. Kasabay ng paglipas ng panahon ay ang pagsibol ng mga bagong hamon na kailangan nating harapin,” ayon sa Pangulo.

“Hindi lang pagpapalakas ng ating depensa ang kailangan nating tutukan upang maalagaan ang ating kalayaan. Kailangan din natin labanan ang banta ng katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan ng ating lipunan,” dagdag na wika nito.

Tinuran ng Pangulo na ang mga sangkot sa korupsyon ay hindi lamang nagnanakaw ng pera ng bansa kundi ng kalusugan, pangarap at kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Ipinahayag ito ng Pangulo habang pinag-aaralan at tinitingnan ng administrasyon ang posibleng korupsyon sa flood mitigation projects sa bansa, kung saan may ilang imprastraktura ang inabandona o hindi man lang itinayo.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

70

Related posts

Leave a Comment