LUMUTANG ang political agenda sa kontrobersyal na bribery case laban sa isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos iugnay ng inirereklamo ang mag-inang Sen. Loren Legarda at Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na nagmaniobra umano nito.
Mariing itinanggi ni DPWH Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo ang paratang na nagtangka siyang magbigay ng P3.1 milyon kay Leviste, at iginiit na bahagi lamang ito ng isang “political agenda.”
Sa kanyang counter-affidavit, sinabi ni Calalo na gawa-gawa ang kaso laban sa kanya at binabaluktot lamang ang katotohanan. Ayon pa sa kanya, si Uswag Ilonggo Party-list Rep. Jojo Ang umano ang nag-utos sa kanya mula pa noong Mayo na mangolekta ng “donasyon” mula sa mga contractor ng distrito para sa mga programa ni Leviste.
Ipinahayag ng abogado niyang si Atty. Raymond Fortun na tatlong beses nakipagkita si Ang kay Calalo, at noong Agosto 21 ay nag-follow up pa sa pamamagitan ng Viber call. Sa salaysay ni Calalo, personal pa siyang tinanong ni Leviste kung may dala siyang pera. Nang sagutin niyang may maliit na halagang galing sa isang contractor, pinilit umano siyang kunin ito agad, ngunit bago niya maibigay ay dumating ang mga pulis at siya’y dinakip.
Giit ni Fortun, hindi ito entrapment kundi instigation. “Wala siyang balak gumawa ng krimen. Ang ginawa niya ay resulta ng matinding pressure,” aniya.
Dagdag pa sa counter-affidavit, sinabi ni Calalo na sa isa sa mga meeting tungkol sa contractors at “donations,” naroon din si Senadora Loren. Aniya, malinaw na siya’y biktima ng sabwatan at ang kaso ay bahagi ng plano upang mapalitan siya bilang district engineer na mas pabor sa interes ng pamilya Legarda-Leviste at mga kaalyado nitong kontratista.
Si Ang, na pinuno ng Allencon Development Corporation, ay matagal nang nakakakuha ng malalaking kontrata sa DPWH at sinasabing malapit kay Legarda.
“Ako’y biktima lamang ng isang setup,” mariing pahayag ni Calalo.
167
