BISTADOR ni RUDY SIM
TILA napilayan na ang sindikato mula sa ilang consultancy at travel agency na responsable sa pamemeke ng mga dokumento, kabilang ang pakikipagsabwatan sa ilang tiwaling tauhan ng DOLE-NCR, na siyang nagpapalabas ng Alien Employment Permit ng mga dayuhang nais magtrabaho sa bansa.
Ito ay matapos makarating sa kaalaman nina DOLE Secretary Francis Tolentino at Senator Imee Marcos na malaki ang sindikatong nasa likod nito, na maging ang ilang mga tauhan ng Labor department ay maraming yumaman nang husto dahil sa pakikipagsabwatan upang mag-issue ng Alien Employment Permit kahit walang verification sa kompanya kung ito’y lehitimong manggagawa.
Ngunit tila malawak ang sindikato di-umano ng isang Indian national na laging “Happy” sa kanyang pagpaparating sa NAIA ng mga kababayan nito, dahil gamit ang pangalan ng kanyang kamag-anak na si alias “James” ay nanginginig na umano ang tuhod ng immigration officers kapag mayroon itong mga parating na pasahero sa airport.
Pero teka, ano kaya itong nakarating sa atin na impormasyon na may kasabwat daw itong si Happy sa Indian Embassy na kapag may naharang sa airport na Bumbay, ay nagpapadala ng email ang embahada sa BI na ang mga hinarang na kanilang nationals ay mga missionary kuno at kapag nakalusot ay sisingilin ang mga pasahero ng higit P300K kada ulo.
Pero bukod sa pagpaparating ng mga pasahero ang raket nitong si Happy, ay maging ang mga Bumbay na hindi umano nito hawak ay kanyang pineperwisyo kasabwat naman ang mga makakapal na mukha sa Intelligence Division na sina alias “Char” at “Spider-Man” na pawang mga tauhan naman ni alias “Mang Kanor”.
Sino naman itong malakas ang loob na si alias “Dala” na dati na umanong may talamak na sindikato rin sa BI, kasabwat ang taga Legal Division na nag-post pa sa social media na kaya nitong magpapasok ng Bumbay sa airport sa halagang P80K kada ulo, iba pa rito ang pagbigay sa kanila ng dokumento at kung nais pa na maging legal ang paninirahan sa bansa, at maging ang kasal sa Pilipina, ay For Sale!
Matagal na itong raket sa BI at minsan pa ngang may nagreklamo noon na Pinay na makaraang kumuha ng Cenomar sa NSO ay laking gulat nito na siya ay kasal na sa isang Indian national at nabigyan ng temporary residence visa o TRV, na siyang hawak naman ngayon ng isang abogado ng Legal Division, na kahit na may kaso pa sa DOJ dahil sa mga nakalusot na pekeng AEP, ay binigyan ito ng working visa.
Bakit hindi ito silipin muli ni Ombudsman Boying Remulla? Bakit may kaso pa ay nabigyan muli ng kapangyarihan? Dito kaya galing din ang kanyang bagong Tesla car?
Abangan sa susunod at ibibisto pa natin ang raket ni Happy at ng kanyang mga kasabwat.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
116 