KONGRESISTA ITINURONG ‘UTAK’ SA PAGHINGI NG DONASYON NG DPWH ENGINEER

SA counter-affidavit na inihain ni Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Abelardo Calalo, iginiit nito na ang perang nasamsam sa kanyang pagkakaaresto ay hindi suhol para kay Congressman Leandro Leviste kundi bahagi umano ng tinatawag na “donasyon” na ipinag-utos ni USWAG ILONGGO Party-list Rep. James “Jojo” Ang Jr.

Ayon kay Calalo, natalakay umano sa kanilang Viber group chat ang utos ng kongresista na mangalap ng kontribusyon mula sa mga kontratistang may proyekto sa distrito. Idinagdag pa niya na matapos ang usapan ay binura umano ni Ang ang kanyang mga mensahe sa kanya, bagay na nagdulot ng pagdududa sa panig ng district engineer.

“Kung wala namang dapat itago, bakit kailangang burahin ang mga palitan ng mensahe?” giit ni Calalo sa kanyang salaysay.

Dagdag pa niya, nadawit lamang siya sa maling akusasyon at ginagamit na “scapegoat” sa mas malawak na sistema ng pangangalap ng donasyon mula sa mga contractor. Aniya, ang perang hawak niya nang mahuli ay hindi para sa sariling interes kundi resulta ng pagtupad sa utos ng isang kongresista.

Kasabay nito, nanawagan si Calalo ng masinsinang imbestigasyon sa umano’y “donation scheme” at forensic examination ng mga Viber messages upang mabawi ang mga nabura at mailantad ang buong konteksto ng usapan. Iginiit din niya na dapat bigyang-diin ang due process at iwasan ang umano’y selective na pag-usig na ginagamit para sa political propaganda.

(DANNY BACOLOD)

62

Related posts

Leave a Comment