SENATE PANEL MAY ‘RESIBO’ SA PAGDALAW NG KONTRATISTA SA SENADO

KINUMPIRMA ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na mayroon silang kopya ng cctv footage na ‘dumalaw’ sa Senado ang isang staff ng WJ Construction Company noong August 19, 2025.

Ito ay may kinalaman sa alegasyon ni Engineer Brice Hernandez na nagdala ng ‘obligasyon’ ang WJ sa isang staff ng senador.

Tinukoy ni Lacson na isang Mina mula sa WJ na batay sa testimonya ni Hernandez ay siyang nakikipag-ugnayan kay Beng Ramos, na umano’y staff ni Senador Jinggoy Estrada, para sa pagbibigay ng kickbacks.

Sinabi ni Lacson na tukoy na rin nila ang tanggapang pinuntahan ng staff ng WJ subalit hindi muna niya ito isasapubliko dahil patuloy pa ang kanilang beripikasyon.

Kaya sa susunod anyang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Huwebes, September 18 ay pahaharapin din si Mina at maging ang may hawak ng CCTV footages sa Senado.

Tiniyak din ni Lacson na wala siyang sasantuhin sa pagdinig kahit pa madawit ang mga kasamahan niyang mambabatas sa kondisyong mayroong resibong lilitaw.

P355-M Insertion ni Jinggoy

Kumpirmado ring pasok sa 2025 national budget ang sinasabing P355 million na umano’y insertion para sa flood control projects na ibinibintang ni Engr. Brice Hernandez na ibinaba ni Senador Jinggoy Estrada sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, ang naturang insertion ay wala sa National Expenditure Program at sa House General Appropriations Bill.

Ang inaalam na lamang nila ngayon kung ito ay pumasok sa Senate version ng budget o sa bicameral conference committee.

Sa tingin ni Lacson, ang P355 milyon ay kasama sa P1.42 billion Senate insertions sa 2025 national budget.

Inaalam din ni Lacson kung ang P355 million na tinutukoy ay isang bultong ibinaba sa iisang proyekto o hinati-hati sa iba’t ibang mga proyekto.

Kinumpirma niya na mayroong isang proyekto sa Valenzuela City na Phase 3 ng isang flood control projects na naiward sa Globalcrete Corporation na pag-aari ni Candaba Pampanga Mayor Rene Maglanque.

Dahil dito, plano rin ni Lacson na imbitahan sa pagdinig si Budget Secretary Amenah Pangandaman upang matukoy kung narelease na ang budget para sa mga proyekto.

Balak din nilang imbitahan si dating Senador Grace Poe dahil siya ang naging chairman ng Finance Committee na bumalangkas sa national budget para ngayong taon.

(DANG SAMSON-GARCIA)

42

Related posts

Leave a Comment