TARGET ni KA REX CAYANONG
PATULOY na ipinakikita ni Quezon Governor Helen Tan ang kanyang kakaibang istilo ng pamumuno—direkta, matapat, at laging nakatuon sa kapakanan ng kanyang mga kababayan.
Kamakailan, muling pinatunayan ni Gov. Tan na hindi lamang siya nananatili sa opisina kundi personal na binibisita ang mga pasilidad tulad ng Claro M. Recto District Hospital sa Infanta.
Dito, ipinaalala niya sa mga empleyado ang kahalagahan ng tamang pakikitungo sa mga pasyente.
Ayon kay Gov. Tan, hindi sapat na may gamot at serbisyo kung hindi maayos ang pagtrato sa mga tao. Ang kanyang paninindigan ay malinaw, respeto at malasakit ang dapat maramdaman ng bawat pasyente.
Hindi rin natatapos sa kalusugan ang kanyang malasakit.
Sa pamamagitan ng STAND-Out Kalinisan Livelihood Improvement Program, naihatid ng pamahalaang panlalawigan ang mga bagong kagamitan sa 329 grocery owners mula sa iba’t ibang distrito ng Quezon.
Maliit man ang negosyo, malaki ang halaga nito sa pang-araw-araw na buhay ng mga pamilya. Ang pagbibigay ng suporta sa maliliit na negosyante ay patunay na nakikita ni Gov. Tan ang kahalagahan ng bawat mamamayan sa pag-angat ng kabuhayan sa buong probinsya.
Kasabay nito, mas marami pang Quezonians ang nakikinabang sa libreng serbisyong medikal ng pamahalaan.
Halimbawa, umabot sa 3,841 residente ng Real ang nabigyan ng ayuda, kabilang ang mga nasa malalayong barangay tulad ng Lubayat. Ang pagbibigay-prayoridad sa mga liblib na lugar ay malinaw na mensahe, walang iiwanan, at lahat ay may karapatang makinabang sa serbisyo ng pamahalaang panlalawigan.
Hindi rin nakalilimutan ng gobernadora ang kahalagahan ng sports at kabataan.
Kaya sa pakikipagtulungan sa Philippine Sports Commission at sa suporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., itatayo sa Tayabas City ang Regional Training Sports Hub. Ang proyektong ito ay magbibigay ng modernong pasilidad tulad ng track and field oval, gymnasium, at softball field.
Layunin nitong sanayin at hubugin ang mga atleta mula sa CALABARZON upang makipagsabayan sa mas mataas na antas.
Malinaw na sa ilalim ng liderato ni Gov. Helen Tan, ang pamahalaang panlalawigan ay kumikilos nang buo at may direksyon.
Mula sa kalusugan at kabuhayan hanggang sa edukasyon at sports, ramdam ang tunay na malasakit.
Hindi nakapagtataka kung bakit nananatiling mataas ang tiwala ng kanyang mga nasasakupan.
Sa ganitong uri ng pamumuno, muling pinapaalala ni Gov. Tan ang tunay na kahulugan ng public service, ang pagdama ng tao na sila ay mahalaga, pinakikinggan, at inaalagaan.
