(NI JG TUMBADO)
BABANTAYAN na rin ng Philippine National Police (PNP) ang “bullying” sa mga paaralan bilang bahagi ng paghahanda sa Balik Eskwela 2019.
Ayon kay PNP chief Police General Oscar Albayalde, bubuo sila ng mga task units na tututok sa pambu-bully, kasabay na rin ng iba pang mga problema sa mga paaralan tulad ng kidnapping ng mga mag-aaral, bomb scare, at iba pang mga banta.
Bukod pa ito sa mga itatayong police assistance desks sa mga paaralan sa koordinasyon ng Department of Education, CHED at LGUs.
Magde-deploy din umano ang PNP ng mga foot at mobile patrols sa mga daan patungo sa mga paaralan para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Sa kabuuan ay 120,000 ang ide-deploy bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 3.
Una rito ay ibinaba ng PNP ang kanilang full alert status sa normal status sa buong bansa maliban sa Mindanao kung saan umiiral ang martial law.
188