SIMULA ngayong taon, hanggang ₱500,000 na lang ang puwedeng i-withdraw ng isang depositor sa malakihang transaksyon sa bangko.
Sa inilabas na BSP Circular No. 1218 Series of 2025, iniutos ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona na anumang withdrawal na lalampas sa naturang halaga ay kailangang gawin sa pamamagitan ng tseke, fund transfer, direct credit sa account, o iba pang digital payment platforms ng bangko.
Ayon sa BSP, ang ₱500,000 limit ay puwedeng gamitin sa isang transaksyon o sa serye ng transaksyon sa loob ng isang banking day.
Kapag lumampas sa ₱500,000, kailangang sumailalim ang depositor sa enhanced due diligence. Kasama rito ang pagsusumite ng karagdagang ID, mga dokumento ng negosyo, o iba pang patunay ng legal na pinagmulan ng pera bago aprubahan ang withdrawal.
Kung hindi makumpleto ng bangko ang due diligence o kung makikitang kahina-hinala ang transaksyon, obligado itong magsumite ng suspicious transaction report at bantayan ang account.
Nilinaw rin ng BSP na maaaring magtakda ang mga bangko ng mas mababang withdrawal limit depende sa internal risk assessment o financial profile ng kliyente.
(CHAI JULIAN)
