(DANG SAMSON-GARCIA)
KUMBINSIDO si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na mayroon siyang tinamaan sa pagsusulong ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects habang nagsisilbing legal adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa panukalang Philippine National Budget Blockchain Act na isinusulong ni Senator Bam Aquino, sinabi ni Magalong na ginawa nang cottage industry o pangkabuhayan ang mga ghost at substandard na flood control projects.
Tinukoy ni Magalong na sa kanyang maikling pananatili sa ICI ay natuklasan niya na may tatlong key players na talamak at walang takot na gumawa ng korupsyon; ang mga corrupt na politiko, corrupt na bureaucrats DPWH officials at corrupt na contractors.
Iginiit ni Magalong na sobrang talamak ang mga ghost at substandard flood control projects at wala ring takot ang mga tiwali na lantarang gawin ang anomalya.
Sa tingin din ng alkalde ay may nasagasaan siya sa imbestigasyon dahil ginamit laban sa kanya ang pagpapatayo ng tennis court at parking building project sa Baguio City na ini-award sa St. Gerrard Construction Company na pag-aari ng mga Discaya.
“You have the moral ascendancy bago mo labanan ang mga tao dyan otherwise masisira ka rin, nonetheless I think I struck a nerve. I don’t want to expound further. Basta I believe I struck a nerve or several nerves na they panic kaya ganun ang nangyari,” pahayag ni Magalong.
‘Cong-tratista’ Isusunod
Samantala, kinumpirma ni Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla na nagkausap na sila ni House Speaker Faustino “Bodjie” Dy III kaugnay sa pagkakasangkot umano ng ilang kongresista sa maanomalyang flood control projects ng gobyerno.
Ayon kay Remulla, kailangan munang magsagawa ng masusing pag-aaral bago makabuo ng listahan ng tinatawag niyang mga “Cong-Tratista.”
Giit ng kalihim, dapat ding silipin ang mga nakalipas na taon para matukoy kung magkano na ang naging conflict of interest na sangkot dito.
“Hindi ito simpleng kaso na pwedeng madaliin,” ani Remulla, sabay linaw na may ilang mambabatas na halos 10 o 20 taon nang kumukuha ng kontrata pero walang humahabol.
“Ngayon na ang tamang panahon para aksyunan ito,” dagdag pa niya.
(May dagdag na ulat si JULIET PACOT)
