MAY “malaking vault” umano sa tanggapan ng Presidential Communications Office (PCO) sa Malacañang na pinaglalagyan ng pera para sa mga bayad sa tinatawag na “keyboard warriors” na ang misyon ay siraan ang mga kritiko ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinabi ito ni SAGIP party-list Rep. Paolo Henry Marcoleta sa interpelasyon ng budget ng PCO sa plenaryo ng Kamara.
“Meron ding nakapagsabi sa akin na meron kayong napakalaking vault sa PCO na lalagyan ng pera. Kung ako ba ay magpapadala ng tao dun to check for the existence of a big vault na naglalaman at sisidlan ng pera, pwede nyo po bang i-confirm o i-deny?,” tanong ni Marcoleta.
Agad naman itong itinanggi ni Mandaluyong Rep. Alexandria “Quenie” Gonzales, sponsor ng budget ng PCO: “Madame Speaker, your Honor, there is a small vault for the cash section for immediate needs but it’s not extraordinary.”
Ayon kay Marcoleta, mula umano sa vault na ito kinukuha ang bonuses ng mga vlogger at “keyboard warriors.” Ibinunyag pa niya na may apat na head vloggers na tumatanggap ng tig-P75,000 kada buwan at bawat isa ay may hawak na tig-10 vloggers na sumasahod umano ng P10,000 hanggang P50,000 buwan-buwan, depende sa performance.
Muling itinanggi ni Gonzales ang akusasyon: “The agency again denies the existence of vloggers who earned that much.”
Bago nito, inihayag din ni Marcoleta na milyon-milyong piso umano kada buwan ang natatanggap ng PCO mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Office of the First Lady Liza Araneta-Marcos, at Office of the Executive Secretary Lucas Bersamin.
Aniya, P5 milyon kada buwan ang ibinibigay ng PCSO, P10 milyon mula sa First Lady, at karagdagang P10 milyon mula sa opisina ng Executive Secretary.
“PCO denies they received such amounts,” tugon ng ahensya sa pamamagitan ni Gonzales.
(BERNARD TAGUINOD)
236 