SOLON: P113-B ‘INVISIBLE INSERTIONS’ SA 2026 BUDGET

TADTAD pa rin ng “insertions” ang panukalang 2026 General Appropriations Bill (GAB) na nakatakdang pagtibayin sa ikalawang pagbasa ngayong linggo, ngunit itinago umano sa sambayanang Pilipino ang bulto ng dagdag na pondo.

Ito ang ibinunyag ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio sa kanyang turno en contra, matapos niyang matuklasan ang umano’y P113 bilyong “invisible insertions” sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Dahil sa tindi ng galit ng mamamayan, napilitang tanggalin ang P255 bilyong locally-funded flood control projects. Pero ang inilihim sa publiko, mayroong hindi bababa sa P113 bilyon na invisible insertions sa 2026 DPWH budget,” giit ni Tinio.

Batay sa orihinal na 2026 National Expenditure Program (NEP), humiling ng P881.3 bilyon ang DPWH, ngunit matapos mabisto ang mga anomalya sa flood control projects, binawasan ito ng P255 bilyon, kabilang ang P3 bilyong duplicate projects.

Gayunman, sinabi ni Tinio na hindi pa rin nalinis ang badyet dahil may natagpuang P113 bilyon pang ilegal na ipinasok—na aniya’y hindi ipinaalam ng Malacañang at Kongreso sa publiko.

Hindi naman tinukoy ng mambabatas kung anong mga proyekto ang pinasukan ng nasabing halaga, ngunit tiniyak niyang babantayan nila ang implementasyon ng DPWH.

“Ang pambansang budget para sa 2026 ay walang pinag-iba sa mga nakalipas na budget ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.—pareho lang, puno ng anomalya,” dagdag ni Tinio.

Nanawagan din siya ng mas malawak na imbestigasyon hindi lang sa 2025 flood control projects kundi maging sa 2023 at 2024, dahil sa mga panahong ito aniya naganap ang malawakang “pandarambong.”

“Ang budget na galing sa dugo’t pawis ng sambayanang lubog sa baha ay ginagawang pool of corruption na nilalanguyan ng mga kurap,” mariing pahayag ni Tinio.

Samantala, nananatiling kumpiyansa si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na maipapasa ang pambansang pondo sa ikalawang pagbasa sa Biyernes at ikatlong pagbasa sa susunod na linggo.

(BERNARD TAGUINOD)

31

Related posts

Leave a Comment